AMINADO ang Office of the Presidential Adviser for Rehabilitation and Recovery (OPARR) na kapos na kapos pa sila sa inaasahang pagpapatayo ng mga bahay ng super typhoon Yolanda survivors.
Ayon kay OPARR communications head Atty. Karen Jimeno, kulang pa sa dalawang porsyento ang mga naipagawang permanenteng tirahan ng mga biktima ng bagyo.
Ito ay dahil umaabot sa 205,128 ang kailangang maitayo ngunit sa panig ng National Housing Authority (NHA) ay halos 500 pa lamang ang natapos.
Habang 8,000 iba pa ang patuloy na tinatrabaho.
Kasama aniya sa nagiging problema sa konstruksiyon ay ang kawalan nang ligtas na pagtatayuan ng mga bahay, dahil karamihan sa mga ito ay nasa loob ng mapanganib na lugar; mahal din ang lupa sa ibang bahagi at hindi kaya ng pondo; dagdag pa ang mahabang legal process na kailangan para sa mga pribadong lupa.
Bukod sa pabahay, sakop din ng rehabalitasyon ang pagbibigay ng kabuhayan, edukasyon at maayos na kalusugan ng mga biktima ng super typhoon.
Tinatayang matatapos ang rehab effort sa taon 2016.