UMABOT sa P24 milyon ang ginastos ng pamahalaan para sa pagdalo ni Pangulong Benigno Aquino III sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) summit at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit.
Umalis kahapon patungong Beijing, China ang Pangulo para sa APEC Economic Leaders Summit at tutuloy sa Myanmar para sa 25thASEAN Summit.
Ayon kay Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., ang P24-M budget para sa mga nasabing biyahe ay mapupunta sa “transportation, accommodation, food, equipment and other requirements” ng Pangulo at kanyang delegasyon.
“Mabilis lang po ang biyahe nating ito, at talaga pong siksik na naman ang ating magiging schedule sa pagtungo sa Tsina at Myanmar,” sabi ng Pangulo sa kanyang departure speech.
Tiniyak ng Pangulo na ang kanyang mga biyahe ay makaaakit ng mga negosyante na maglalagak ng puhunan sa Filipinas.
“Sisiguruhin natin magiging hitik ng positibong bunga ang ating pagdayo para sa Filipinas at sa mga Filipino,” aniya.
Ilan aniya sa mga paksang pag-uusapan ang epektibong paghahanda at pagtugon sa mga kalamidad, ang pagpapaunlad ng ating Small, Medium and Micro Enterprises, at ang pagsusulong ng mabuting pamamahala.
Rose Novenario