MULING nagpamalas ng galing si LJ Reyes sa pelikulang Bigkis, isa sa kalahok sa QCinema International Film Festival sa Trinoma Mall. Ang Bigkis ay mula sa panulat at direksiyon ni Neal ‘Buboy’ Tan. Ito’y isang advocacy film ukol sa kahalagahan ng breast feeding at epekto sa kabataan ng unwanted pregnancy.
Ang iba pang bahagi ng pelikulang ito mula BG Productions ay sina Mike Tan, Lauren Young, Rich Asuncion, Rosanna Roces, Enzo Pineda, Perla Bautista, Rico Barrera, Pancho Magno, at iba pa.
Nang usisain namin si LJ na parang nalilinya siya sa indie films, sinabi niyang walang kaso ito sa kanya. “Masayang-masaya po ako na nakagagawa ng indie. Dahil sa indie ko po nagagawa iyong mga kakaibang characters talaga, mga role na napo-portray at ‘yung mga kakaibang kuwento talaga.
“Kahit nga po rito sa Bigkis, ang dami ko po talagang natutunan. Sa Intoy Siyokoy ang dami kong natutunan, sa The Janitor ang dami kong natutunan.
“So, talagang iba po ang pakiramdam. Hindi lang dahil na-portray mo ang isang role, ganyan. Pero, iyong istorya mismo na ginagawa ng mga writer, ng mga director, ang dami po nilang naiko-contribute sa knowledge ko ngayon as an actor, as a person, as an individual, as a civilian. So, ‘yun,” esplika ni LJ.
Kapag may nagsabi na si LJ pang-indie iyan, compliment ba ito para sa iyo?
“Ang taray! Compliments iyon for me, huh! Kasi siyempre, mahirap talaga ‘yung ginagawa namin.
“Imagine, first of all, iyong story ay mabigat. Second, iyong challenge sa budget. Kasi siyempre, kung kaunti ang budget ay mas marami kaming kinukunan na eksena sa isang araw.
“Iba-iba ang emosyon namin sa isang araw, so, para na ka-ming baliw!”nakatawang saad niya. “Pero I’m very proud po na maging indie actress,” pagtatapos ng Tsinitang aktres.
BG PRODUCTIONS AT MS. BABY GO, MAY MISYON SA MOVIE INDUSTRY
SA premier night ng Bigkis ay nakahuntahan namin si Ms. Baby Go, may-ari ng BG Productions International na si-yang nag-prodyus ng naturang pelikula.
Bukod sa LJ Reyes-Mike Tan starrer na ito, marami pang pelikulang nagawa at gagawin ang movie outfit ni Ms. Baby. Kabilang sa mga pelikulang ito ang Homeless, Child House, Daluyong, at iba pa.
Ang Homeless ay pinagbibidahan nina Ejay Falcon, Snooky Serna, Dimples Romana, Hayden Kho, Chocoleit, Ynna Asistio, Rico Barrera, Mico Aytona at Martin del Rosario. Mula ito sa panulat at direksyon ni Buboy Tan. Ang Child House naman ay sa direksyon ni Louie Ignacio. Tungkol ito sa mga batang may kanser na taga-probinsya at mahihirap at nakatira sa Child House.
Ang Daluyong (Storm Surge) naman ay mula sa panu-lat ni Ricky Lee at direksyon ni Mel Chionglo. Tungkol ito sa paring naging suspect sa patayan sa harapan ng simbahan at ang paglitaw ng isang babaeng nagsasabi na siya ay asawa ng pari. Tampok dito sina Allen Dizon at Diana Zubiri.
Ayon kay Ms. Baby Go, isa siyang cancer survivor kaya niya naisipang gumawa ng mga advocacy film. “Cancer survivor kasi ako at bukod pa roon, hilig ko rin talaga ang mga pelikula.
“Magaaan din sa pakiramdam kapag nakakatulong ka sa pagbibigay ng trabaho at proyekto sa mga taga-showbiz. Ang importante, maganda ang layunin natin para tayo suwertehin.
“Napakasaya ko kapag maganda at makabuluhan ang pelikulang ginagawa namin. This is not my bread and butter, pero masaya ako sa pagpo-prodyus ng mga ganitong movies,” saad pa niya.
Sa sinasabi naman ng iba na mas mayaman pa siya kay Mother Lily ng Regal Films, ipi-nahayag ni Ms Baby na hindi raw iyon totoo. “Nagsisimula pa lang ako at hindi ako tulad ni Mother Lily na marami nang nagawa sa movie industry.
“Basta happy lang ako na makapag-prodyus ng mga pelikulang tulad nitong Bigkis at iba pa,” nakangiting wika pa niya.
ni Nonie V. Nicasio