ISANG reklamo po ang ipinaabot sa inyong lingkod kaugnay ng illegal ‘gold’ mining na nangyayari sa Barangay Caggay (Zone 6 & 7), Maharlika Highway, Tuguegarao City.
Nagtataka po ang mga residente kung bakit tila walang pakialam ang tanggapan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) gayong kitang-kita sa loob ng lupain ang illegal mining.
Umabot na umano sa 40 metro o 120 talampakan ang hukay sa tabi mismo ng Maharlika Highway.
Isang Mr. POBRE umano ang sinasabing siyang nagpapahukay at nagpapadala ng iba’t ibang mining equipments na nakabalandra lang sa gilid ng highway.
DENR Secretary Ramon Paje Sir, ano ba ang ginagawa ng PENRO ninyo sa Cagayan at hepe ng inyong Mines and Geosciences Bureau sa Region 2 lalo na d’yan sa Tuguegarao?!
Mukhang sandamakmak ang nagsulputang illegal mining d’yan na ang labis na naapektohan ay mga residente dahil hindi maayos na naitatapon ang ‘lason’ mula sa minahan?
Illegal mining na, environmental pollutants pa.
Aba, hihintayin n’yo pa bang magkaroon ng malaking trahedya d’yan sa Brgy. Caggay dahil sa talamak na ilegal na pagmimina d’yan!?
Aksyon, Secretary Paje!