KINOMPIRMA ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pumasa sa isinagawang screening test for Ebola sa Liberia ang 108 Filipino peacekeepers ilang araw bago ang nakatakda nilang pag-uwi sa bansa.
Ayon kay AFP public affairs office (PAO) chief Lt. Col. Harold Cabunoc, bagama’t pumasa ang mga sundalong Filipino sa nasabing pagsusuri ay kailangan pa rin silang isailalim sa quarantine simula November 11.
“108 Ph peacekeepers have passed the Ebola screening test conducted by the UN Mission in Liberia yesterday (Nov 8),” saad ni Cabunoc sa kanyang Twitter account.
Ika-quarantine ang mga sundalong peacekeepers sa Caballo Island malapit sa Corregidor sa loob ng 21 araw.
Sa kasalukuyan, hawak na ni Col. Roberto Ancan, Commanding Officer ng Peacekeeping Operations Center, ang kopya ng clinical assessments ng Filipino peacekeepers na sumailalim sa Ebola screening test.
Noong nakaraang Biyernes, inihayag ni Pangulong Benigno Aquino na ang isla ng Caballo ang magiging tahanan ng nasa 142 Filipino peacekeepers na galing Liberia.
Ang Caballo Island ay matatagpuan sa Corregidor na may layong 2.6 miles.