ILOILO CITY – Iba’t ibang aktibidad din ang isinasagawa bilang paggunita sa pananalasa ng super typhoon Yolanda.
Sa bayan ng Concepcion, Estancia at Carles na kabilang sa labis na sinalanta ng bagyo, may isinagawang commemorative mass na sinundan ng ilang aktibidad kabilang ang photo exhibit, disaster risk reduction workshop at candle lighting.
Ang Iloilo provincial government ay nag-alay din ng misa at sinundan ng pagbubukas ng ceremonial wall para sa mga biktima at donors at candle lighting ceremony.
Kung maalala, 12 p.m. noong Nobyembre 8, 2013 ay nag-landfall sa ikalimang beses ang bagyong Yolanda sa Concepcion, Iloilo.
Ito ay nagdulot nang matinding baha, sumira ng mga bahay at impraestraktura at nagtumba ng maraming mga puno na nagresulta sa pagkamatay ng maraming mga residente sa lalawigan ng Iloilo lalo na sa fourth at fifth district.
Isang taon makaraan ang pananalasa ng bagyo, inihayag ng Iloilo Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na matagal pa bago lubusang makarekober ang mga biktima.
Ayon kay Jerry Bionat, PDRRMO officer, hanggang ngayon ay hindi pa natanggap ng mga biktima ang tulong na ipinangako ng gobyerno bagama’t ito ay aprubado na.
Inamin din niya na sa kabila nang matinding pinsala na naranasan noong Yolanda, hindi pa rin handa ang lalawigan ng Iloilo laban sa hindi inaasahang kalamidad.
Sa 42 bayan sa lalawigan, 14 pa lang aniya ang may magandang preparasyon laban sa kalamidad. (HATAW News Team)