IDINEPENSA ng Malacañang ang ginagawang mga hakbang sa rehabilitasyon ng mga lugar na tinamaan ng super-typhoon Yolanda, makaraan ang isang taon.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, hindi sinasabi ng gobyerno na tapos na ang lahat nang ginagawang tulong.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod nang paggigiit ng ilang grupo ng mga survivor na kulang pa rin ang tulong ng pamahalaan habang ang international aid agency na Oxfam ang nagsabi na nasa isang milyon residente pa ang nasa mga bunkhouse na delikado sa paparating na bagyo.
Paliwanag ng Palasyo, kailangan talaga ang sapat na panahon upang makompleto ang lahat na gagawin dahil sa laki at lawak ng maraming lugar na sinalanta.
Kasabay nito, nanawagan ang tagapagsalita ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na kailangan pa rin ang bayanihan at ang sama-samang pagtutulungan ng sambayanan.
Trabaho muna bago politika — Roxas
HINILING ni Interior at Local Government Secretary Mar Roxas sa mga kaalyado at kritiko ng administrasyon na isan-tabi muna ang politika sa araw ng unang anibersaryo ng pananalasa ng super typhoon Yolanda.
“Palagi nating sinasabi at maging ng presidente na whole of government approach tayo, at hindi sila-sila, kayo-kayo o kami-kami, kung hindi tayong lahat. Kaya sana tigil muna tayo sa paglalagay ng kulay pati sa rehabilitasyon kaugnay ng bagyong Yolanda,” pakiusap ng kalihim sa pagsasalita sa harap ng taga-Guiuan, Eastern Samar kamakalawa.
Ito ay matapos lumabas ang mga usaping ‘nilaktawan’ ni Pangulong Noynoy Aquino at ng ilang miyembero ng Gabinete, kabilang na si Roxas, sa mga gaganaping aktibidad sa Tacloban City na pinamumunuan ni Mayor Alfred Romualdez.
“Napagpasiyahan po ng Gabinete na iba-iba po ang dadaluhan namin. Sina Sec. Panfilo Lacson po at Sec. Dinky Soliman ang ini-assign sa lungsod ng Tacloban,” paliwanag ni Roxas.
“Tandaan din po natin na ang bayan ng Guiuan ang first point of entry ng bagyo noong isang taon. Mahalaga pong maalala ng tao na malawak ang pinsala ng bagyo, hindi lamang sa Tacloban,” dagdag ni Roxas.
Sa pagbisita ng Pangulo at ni Roxas sa bayan ng Guiuan, siniyasat nila ang ilan sa mga proyektong pinopondohan ng Recovery Assistance on Yolanda (RAY) ng DILG tulad ng palengke at resettlement site sa Brgy. Cogon. Inaasahang matatapos sa susunod na taon ang ilan sa mga proyektong ito, na nagkakahalaga ng mahigit P100 milyon.
Nasa P230.69 milyon naman ang pondong inilaan ng DILG para sa mga pasilidad na nasira sa lungsod ng Tacloban, kabilang na ang city hall, palengke at civic center nito.
‘Yolanda’ music video inilunsad ng gov’t
INILUNSAD ng gobyerno ang isang music video bilang paggunita sa paghagupit ng Bagyong Yolanda noong nakaraang taon at kinilala ang pagiging matatag ng mga nakaligtas mula sa delubyo.
Sa website ng Office of the President of the Philippines, ipinalabas ang “We Will Rise Again” na tumagal nang mahigit limang minuto at ipinakita na kayang bumangon ng mga Filipino sa kabila ng hinaharap na mga problema.
Layon din nitong ipakita ang bayanihan ng mga Filipino.
Kinilala at pinasalamatan sa music video ang mga indibidwal at organisasyon na tuloy-tuloy ang pag-ayuda sa rehabilitasyon sa mga nasalantang lugar partikular sa Visayas.
Inawit ito ni Raki Vega at isinulat ni Jude Gitamondoc.