TODAS ang isang tinaguriang palos at sinasabing suspek sa paghahagis ng granada sa Manila Police District (MPD) Station 1 makaraan makipagbarilan sa mga pulis na magsisilbi sana ng warrant of arrest laban sa kanya sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Agad binawian ng buhay ang suspek na si Armando Castro, nasa hustong gulang, residente ng Squatters Area, Market 3, Navotas Fish Port Complex (NFPC), sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Base sa nakalap na impormasyon mula kay Sr. Supt. Romeo Razon Uy, hepe ng Navotas City Police, naganap ang insidente dakong 8:30 p.m. sa loob ng bahay ng suspek.
Tinungo ng mga pulis ang bahay ng suspek bitbit ang warrant of arrest ngunit pinaputukan sila ni Castro.
Isang hindi na pinangalanang pulis ang tinamaan ng bala mula sa suspek ngunit hindi tumagos dahil sa suot na bullet proof vest.
Gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.
Napag-alaman, si Castro ang pangunahing suspek sa paghahagis ng granada sa MPD Station 1 bukod pa sa iba’t ibang kasong kinakaharap sa Maynila, Quezon City at Navotas.
Rommel Sales