ARESTADO ang isang 23-anyos lalaki makaraan magtatatakbo sa tarmac ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 at nagtangkang sumakay sa eroplanong papuntang Japan kahapon ng umaga.
Nagpakilala ang lalaki na si Don Alfredo Gutierrez mula sa Oriental Mindoro.
Dakong 7 a.m. nang makita si Gutierrez na nakalambitin sa unahang gulong ng Jetstar flight 3K763 habang papaalis ng Bay 9 patungong runway.
Nang mapansin ng airport police, lumipat siya sa hulihang gulong saka nagtatatakbo sa tarmac. Ngunit nahuli siya sa Bay 4 o east wing terminal airport.
Dahil sa insidente, naantala ang biyahe ng eroplano na paalis sana ng 6:55 a.m.
Dakong 9:20 a.m. na nakalipad pa-Japan makaraan halughugin at siguruhing walang pampasabog sa loob ng eroplano.
Nagdududa ang mga awtoridad na nagbabaliw-baliwan lang ang lalaki dahil sa paiba-iba niyang sagot at pahayag. Wala ring nakuhang ID mula sa kanya.
Iniimbestigahan na kung paano nakalusot sa seguridad ng paliparan ang lalaki na nakapasok pa sa tarmac area.
GMG