ni Pilar Mateo
NGAYONG kabilang na sa Kapamilya ang panganay ng yumaong master rapper na si Francis Magalona na si Maxene, inilalatag na ang mga proyektong sasalangan nito sa nasabing network.
At karaniwan, nagiging baptism of fire ng mga gaya niya ang agad na maisalang at maitampok sa isang papel na hahamon talaga sa kanyang kakayahan sa longest drama anthology na MMK (Maalaala Mo Kaya).
Swak naman kay Maxene ang role ng katauhan ng nurse na si Fatima na mapapanood ngayong Sabado (Nobyembre 8).
Sumikat kamakailan sa internet ang video ni Fatima Palma na ipinakitang nagra-rap sa kanyang mga pasyente habang inaalagaan ang mga ito.
“Panoorin niyo kung paano nagagawang pasayahin ni Fatima ang kanyang mga pasyente sa pamamagitan ng pag-awit at pag-rap sa kabila ng kanyang paghihirap at pagod sa araw-araw niyang trabaho sa ospital. Para sa akin, isa siyang bayani kaya malaking karangalan na ako ang napili na gumanap sa kanya,” pahayag ni Maxene kaugnay ng kakaibang pag-aalaga at pagpapasayang idinudulot sa ibang tao ng karakter niyang si Fatima.
Hindi na nga raw nagugulat si Maxene kung may kakayahan din siya sa genre na pinasikat ng ama sa naturang larangan.
“Actually, lahat kaming magkakapatid, has the ability to rap. Talagang ipinamana ‘ata ni Dad ‘yun sa amin.”
Kasama ni Maxene sa kanyang unang MMK episode sina Bembol Roco, Shamaine Buencamino, Kathleen Hermosa, Joseph Bitangcol, Jon Lucas, Francis Magundayao, Rochelle Barrameda, Ana Roces, Via Veloso, Gileth Sandico, at Rusty Salazar. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Raz De la Torre at panulat nina Arah Jell Badayos and Benjamin Benson Logronio. Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head nito na si Malou Santos at creative manager na si Mel Mendoza-Del Rosario.
Simula pa lang ito ng matitinding roles na nakatakda ng sakyan ng showbiz royalty in her new kingdom.