SA ginanap na pocket interview ni Jericho Rosales para sa indie movie niyang Red mula sa Cinema One Originals na idinirehe ni Jay Abello ay tinanong namin kung malalampasan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo ang tagumpay nila ni Kristine Hermosa sa remake ng Pangako Sa ‘Yo.
“Malamang, kasi ang lakas-lakas ng love team nila, ‘di ba? In fact, ang lakas ng support cast nila, I mean nabalitaan ko ‘yung ibang cast kung sino ‘yung mga gaganap, eh.
“Klaro kong narinig is intensify nila ‘yung story, binigyan nila ng ibang (version), so maganda, maganda, so ako, excited ako,” katwiran ni Echo.
Payag daw ang aktor na mag-cameo sa Pangako Sa ‘Yo ng KathNiel, “kung tatawagan nila ako, at okay ang role, game ako r’yan. Parang cameo role talaga na dumaan lang o magsasaka ako roon.”
Nabanggit din ng aktor na napag-uusapan daw nila ng handler niyang si Allan Real si Kristine, “pinag-uusapan namin nina kuya Allan, ‘kumusta na si Kristine’, sabi nga she just gave birth, ‘di ba?’ Kung mayroon talagang napaka-interesting na project na talagang feeling ng mga tao na gusto nilang panoorin, why not.”
At inisa-isa ni Echo kung sino-sino ang mga naka-love team niya, “Julia Clarete, Angelika de la Cruz, Kristine Hermosa, Heart Evangelista (sabay tukso sa kanya), hmm…, ikakasal na sila ni Chiz (Escudero), tapos si Sarah Geronimo nga nakasama ko rin.”
Project again with Kristine
Ipinagdiinan naman namin na si Kristine ang tumatak sa tao na ka-love team niya at halos lahat ng projects nila ay kumita at mataas ang ratings.
Humirit ang aktor, “sa amin ni Heart din, marami naman kaming projects.”
Kung ganoon, sino ang mas nami-miss ni Echo na makasama ulit sa isang proyekto?
“Siyempre gusto kong makasama si Kristine ulit, maraming nagre-request, eh. Hanggang ngayon nga, marami ang nagsabing, ‘sige na gumawa kayo ng project, parang mga minions namin, eh. So mahal namin sila (followers) so sana nga mayroon, ako iisip ako ng project,” kuwento ng aktor.
Papayag kaya si Oyo Sotto na bumalik sa pag-arte ang asawa?
Tinanong namin kung in speaking terms sina Echo at Oyo, “hindi, batian lang, batian lang,” pag-amin ng aktor.
Nahirapang gawin ang lovescene
Samantala, grabe ang love scene nina Echo at Mercedes Cabral na maraming nagtaka dahil paano napapayag ang aktor na gumawa ng ganitong eksena na hindi naman niya ginawa noong binata pa siya na kung kailan nag-asawa ay at saka siya pumayag.
”Well, there are two things to consider, number one is my conviction and number two is, of course, the people na responsable ako.
“So, kapag tumanggap ako ng pelikula, ang limitation ko is kung gagawa tayo ng bagay na hindi naman angkop sa mensahe mo.
“Noong kinausap ako ni Jay, sabi niya, ‘Ano ‘to, bro, panglalaki, makikita mo may violence siya, may action siya, pero may love story.’
“Kapag sinabing ganoon, okay, may love scene siguro, pero nandoon siya sa story.”
”Ang only limitation ko is kung gagamitin mo ang isang kissing scene o love scene para lang pumunta ang mga tao sa sinehan. I’m not that kind of actor.
“I’m a messenger also, eh, I’m a delivery boy, so kailangan nandoon ka lang sa sinabi mo. Kapag lumabas ka roon, ‘tapos na.”
”Ano ang naging reaksiyon ng asawang si Kim Jones.
“Kim is the most supportive wife ever!” mabilis na sagot ng aktor.
“Basta sabi niya, ‘Umuwi ka na ‘tapos mag-love scene tayo.’
Kaya nagkatawanan ang lahat na sinabayan din ng aktor at sabay sabing, “puwede na akong mag-joke ng ganoon kasi may asawa na ako.”
“Lahat naman, part siya ng lahat ng decision-making process sa lahat ng project na gagawin ko.
“Okay lang naman sa kanya, coming from ‘Legal Wife’. Alam naman niya hindi ako basta-basta gumagawa ng ganoong bagay.
“Alam niya ‘yon, kasi bilang real life story ‘to, kailangan naming ipakita.
“Of course, sana hindi na mag-love scene kasi kasal na. Filipino pa rin, eh.
“Pero ito, makikita niyo, hindi siya makatotohanan kung may iiwasan kang mga bagay.”
Kung ang ibang aktor ay nadadalian sa love scenes ay iba si Echo, “awkward lang kasi kapag sa love scene, so tawa lang kami ng tawa sa set. Lima lang kami roon, pero tawa lang kami ng tawa sa set.
“Iniisip kasi ng mga tao kapag love scene, parang madali lang.
“For us, mahirap siyang gawin, kasi kailangan artistic ang paggawa mo.
“‘Tapos may love, may feeling, mainit, hindi siya perfect, like, sa mag-asawa.
“Nakakailang din kasi may nakikinig sa labas, may gustong mamboso, ‘yung mga ganoon na hindi mo naman alam. ‘Yun ang isa sa mga pinakamahirap na eksena para sa akin,” kuwento ni Jericho.
Pati ending ay nahirapan ding gawin ni Echo dahil, “yung dulo na eksena, sabi ko kay Jay (direktor), ito ‘yung isa sa pinakamahirap na eksena na ginawa ko sa lahat.
“Of course, with the (Ilonggo) accent, with the emotions, iba siya, eh.
“Kasi, malayo siya sa akin, so iba siya. Puwede ko rin sabihin na may pagka-fictional, parang hindi totoo pero totoo, sobrang unique niya na tao.
“Nahirapan ako sa end scene namin na nasa last scene namin sa pelikula.”
Panghihinayang na ‘di makakasama si Lloydie
At sa upcoming serye ni Echo na Bridges ay natanong namin kung kailan sila nag-umpisang mag-taping.
“Nag-start na kami two months ago,” kaswal na sagot ng aktor.
Nasulat namin dati na si John Lloyd Cruz ang kasama nina Echo at Maja Salvador sa Bridges dahil tumanggi ang una at pinalitan ni Xian Lim.
Matagal na raw alam ito ni Echo dahil umpisa palang din ng taping nila ay sinabi na sa kanila, “okay naman, we found an actor na (Xian), tuloy-tuloy na. Hindi pa kami nagkaka-eksena (Xian), pero nagkasama na kami.”
Bagamat nanghinayang ang aktor na hindi natuloy ang unang pagkakataon na makakatrabaho niya si JLC ay naintindihan daw niya ang paliwanag nang magka-usap sila, marahil sa ibang projects na lang daw.
“Naibsan naman ako sa sinabi niya, okay naman,” saad ng aktor.
Okay naman ba kay Echo na si Xian ang kapalit ni JLC, “well, kapag lumabas na ‘yung produkto, kayo ang makakapagsabi niyan,” mabilis na sabi ng aktor.
Ang istorya raw ng ng Bridges ay, “story ng magkapatid, so ‘yun lang ang masasabi ko for now kasi pinagbabawalan kaming magkuwento, of course it’s a love story,” tipid na sabi ni Echo na maski anong pilit namin ay hindi nagkuwento.
Maging sa ibang cast ay hindi rin nagsabi si Echo, basta’t sila nina Maja lang ang binanggit niya.
Sa Enero 2016 daw ang airing ng Bridges na si Dado Lumibao raw ang direktor at isa pang nakalimutan ng aktor ang pangalan, “same team ng ‘Legal Wife’,” sabi ng aktor.
Okey mag-artista si Kim, wala lang kissing scene
Sa planong gustong pasukin ng asawang si Kim ang pag-aartista ay hindi pala payag si Echo na magkaroon ng kissing scene.
Ngumiwi ang aktor nang tanungin siya at sabi ng press, ‘ayaw mo?’ at sagot sa amin, “may sinabi ako? Walang lumabas sa bibig ko,” biro ni Echo.
Anyway, mapapanood na ang Red sa Nobyembre 12 mula Nobyembre 9-18 sa Trinoma Cinema, Fairview Terraces, Glorietta, at Greenhills Dolby Atmos Theaters, pero sa Linggo, Nobyembre 9 ang launching ng 10 entries ng Cinema One Originals.
Bukod kina Echo at Mercedes ay kasama rin sina Mylene Dizon, Bibeth Orteza, JM Rodriguez, Nico Antonio, Shandii Bacolod, John Arceo, Rhea Lim, Miloy Seva Milton Dionzon na idinirehe naman ni Jay Abello.
ni Reggee Bonoan