HINDI uubra ang “bidding-biddingan” sa mga proyektong ipatutupad para sa pagbangon ng mga lugar na sinalanta ng super typhoon Yolanda.
Batay sa 33-pahinang “One Year After Yolanda” press briefer na inilabas ng tanggapan ni Presidential Adviser on Recovery and Rehabilitation (OPARR) Panfilo Lacson, ang transparency sa prosesong pagdaraanan ng lahat ng rehabilitation projects ang isa sa kanilang prayoridad.
Aniya, itong OPARR ay upang maiwasang mapunta sa korupsiyon ang P167.9 bilyong halaga ng 25,000 programa at proyekto na nakapaloob sa Yolanda Comprehensive Recovery and Rehabilitation Plan (CRRP).
Sa inilunsad na website ng PARR na Electronic Management Platform Accountability and Transparency Hub for Yolanda (EMPATHY) ay nakasaad ang “real-time updates” sa rehabilitation projects gaya ng kung sino ang bidders at nanalo sa bidding, kailan ini-award at sinimulan, ano ang status at kailan matatapos ang proyekto.
Aminado si Lacson na isa rin sa inaasahang hamon ay ang kultura ng palakasan sa burukrasya sa bansa kaya bumabagal ang implementasyon ng rehab projects.
Kaya paalala niya sa mga opisyal ng pamahalaan, maging maingat sa pagtupad ng tungkulin dahil posible silang masampahan ng kaso kapag nabuko sa audit at isusumiteng ulat na may nilabag na batas.
Sa Lunes ay inaasahang ihahayag ni Lacson ang kanyang “State of Yolanda Address.”
Rose Novenario