NASAMPOLAN ang pitong tindahan ng spare parts ng motorsiklo sa ipinatupad na “Oplan Kandado” ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Sa pamumuno nina Region 5 District Director Gerry Florendo at Assistant District Director Grace Javier, ipinasara ang mga tindahan dakong 9 a.m. dahil sa paglabag sa Tax Code bunsod nang hindi pagbibigay ng tamang sales invoice, under declaration of sales, at hindi paghahain at pagbabayad ng value added tax o VAT.
Ayon kay Dennis Floresca, hepe ng Region 5 Station Investigation Division, ikinandado ang mga tindahang Cyclone Commercial na pag-aari ng isang Yaning Raspado; 2 Wheelers Motor Parts & Accessories, X-Power Racing, Roldan Cyclemate Corporation, JCW Motor World ni Mary Kristine Benitez; Suncrest Motors at Series Motorworks, pawang matatagpuan sa M.H. Del Pilar St. at 10th Avenue, Grace Park, ng nasabing lungsod.
Ikinasa ang operasyon kaugnay sa programa ng BIR na “Oplan Kandado” na ang mga negosyong may nilabag na batas sa buwis ay ikinakandado o isinasara.
Layunin ng programa na ipinatutupad sa buong bansa, na makakolekta ng tamang buwis at labanan ang tax evasion ng ilang mapagsamantalang negosyante.
Rommel Sales