MAS pinili ni Pangulong Benigno Aquino III na sa Guian, Eastern Samar gunitain ang unang anibersaryo nang pagsalanta ng super typhoon Yolanda ngayon kaysa Tacloban City.
Sinabi ni Communications Secretary Herminio Coloma Jr., malawak ang lugar na naapektuhan ni Yolanda at ang Guian ang unang hinagupit ng super typhoon kaya’t mas minabuti ng Pangulo na ang nasabing bayan ang bisitahin ngayon.
Limitado aniya ang oras ng Pangulo at kailangan siyang bumalik agad sa Maynila para atupagin ang mga paghahanda sa pagdalo niya sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Beijing, China, at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa Myanmar sa susunod na linggo.
Binigyang diin ni Coloma, iuulat ngayon ng Pangulo sa taong bayan kung ano na ang mga nagawa ng pamahalaan at paano tatapusin ang obligasyon sa pagbangon ng mga lugar na sinalanta ni Yolanda sa pamamagitan ng P168-B sa Yolanda Comprehensive Rehabilitation and Recovery Program.
Rose Novenario