SA PAGSASARILI NINA DADAY AT ROX PINALAYA NILA ANG NARARAMDAMAN SA ISA’T ISA
Akmang iinumin na sana ni Rox ang kanyang tagay nang pigilan siya sa kamay ni Daday. Nakipagtitigan ito sa kanya nang mata-sa-mata. Dahan-dahan nitong inilapit ang mamasa-masang mga labi sa bibig niya. At nang maglapat ang kanilang mga labi ay mahigpit siyang nangyakap. Mayroon iyong ipinapahiwatig na damdamin.
“’Di ka man lang ba magsasabi ng ‘I love you’ sa akin?” ani Daday nang bumaklas ang mga labi kay Rox.
Sa halip na sabihin niya ang mga katagang ibig marinig ni Daday ay kinuyumos niya ng mariing halik ang mga labi nito. Binuhat niya at saka inilapag sa kamang nasa isang sulok ng maliit na kuwarto. Doon nagsanib ang kanilang mga katawan. Sa gayong paraan niya ibinulalas ang kinikimkim na damdamin. At tumagos hanggang sa puso nito ang ipinalasap niyang kaligayahan.
“U-umiiyak ka?” pansin ni Rox sa luhang pumatak sa mga mata ni Daday.
“M-mahal kasi kita… Mahal na mahal…” anitong isinubsob ang mukha sa dibdib niya.
“E, e… M-masakit ba?” usisa pa niya.
“M-mahapdi…P-pero okey lang…” pagsisikap ni Daday na mapigilan ang pagluha.
Nang masuyo niyang haplusin ang likod ni Daday ay lalong yumugyog ang mga balikat nito sa pag-iyak.
“Bakit ba?” ungkat niya.
“W-wala…” ang sagot ni Daday. “M-mahal mo rin ba ako, ha?”
“Noon pa…” agap ni Rox. “Kaya lang ay takot akong magmahal at mahalin mo rin.”
“At bakit naman?” hikbi ng Daday.
“Dahil tiyak na kahirapan ang tangi nating maipamamana sa ating magiging mga anak,” aniyang may lungkot sa tinig.
“Sa akin, basta’t magkasama tayo ay handa akong makipagsapalaran sa buhay…” ang sabi sa kanya ng dalagita. “Kaya lang ay paano na si Inay at ang mga kapatid ko?”
Kung sa mga kaibigan ay mapagmahal na si Daday, naniniwala si Rox na mas dobleng pagmamahal ang iniuukol nito sa sariling pa-milya. (Itutuloy)
ni Rey Atalia