ISANG pagtutuos na kompleto sa mga paputok ang inaasahang magaganap sa araw na ito sa pagsisiyasat ng Senado sa “overpriced” umanong pagpapatayo ng Makati City Hall building 2.
Ang nag-anyaya kay Vice President Jejomar Binay na dumalo ay si Senator TG Guingona, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nakatokang mag-imbestiga, “in aid of legislation,” sa umano’y pang-aabuso at pagkakamali sa gobyerno, mga opisyal nito at kalakip na ahensya, kabilang ang “government-owned and –controlled corporations (GOCCs).”
Dati nang nagpahayag si Binay na maaari niyang ikonsidera ang pagdalo kung ang imbitasyon ay magmumula sa Blue Ribbon na mother committee, hindi tulad ng mga naunang paanyaya na mula lang sa subcommittee nito na nagsisiyasat sa mga anomalya na sangkot daw ang Bise Presidente.
Kaya ang malaking tanong ay nananatili: Dadalo ba and Bise Presidente sa pagdinig na batid niyang ang pakay ay wasakin ang kanyang karangalan at kredibilidad, o patuloy niya itong babalewalain tulad nang ipinakikita niya sa mga senador dahil walang magandang kahihinatnan ang imbestigasyon?
Kung pipiliin ni Binay na ipagwalang-bahala ang pagdinig sa araw na ito, Nobyemre 6, na inireserba para lang sa kanya, makaaasa pa rin ang publiko na may mga ‘bombang’ pasasabugin.
Noong isang linggo, hinarang sina United Nationalist Alliance (UNA) interim secretary general JV Bautista at UNA interim president Representative Toby Tiangco sa pagsasalita at pinalabas ng session hall.
Bakit? Ang katwiran ni Senator Alan Peter Cayetano ay hindi inimbitahan ang dalawa bilang testigo o “resource persons” at wala silang liham ng awtorisasyon mula kay Binay.
Pero ngayong Huwebes, balak nina Bautista at Tiangco na sumulpot sa pagdinig na armado ng awtorisasyon para magsalita sa ngalan ng Bise Presidente. Bukod dito ay iko-cross examine raw ni Bautista ang mga testigo na patuloy na dumudurog sa pangalan ni Binay.
Noong Oktubre 2 ay nagpahayag kasi si Cayetano na payag siyang isuspinde ang mga alituntunin ng komite at hayaan si Binay na kuwestyonin ang mga testigo, kung dadalo ang Bise Presidente sa pagdinig at papayag din na siya ay ma-cross examine.
Ang pagsisiyasat sa Senado ay nakaapekto sa mga rating ni VP Binay, pero siya pa rin ang nangungunang kalaban para pangulo sa 2016. Ang mga rating nina Senador Cayetano at Antonio Trillanes, na gumagamit sa Senado para isentro ang kanilang pag-atake kay Binay, ay bumagsak din dahil ang personal nilang motibo ay mabigat pa sa pambatasang tungkulin.
Ang pakay ng mga imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga isyu ng iregularidad sa gobyerno ay magmungkahi ng pagwawasto sa mga umiiral na batas, upang hindi na ito maulit muli.
Pero ang pagsisiyasat sa sinasabing mga anomalya sa Makati ay nagpapakita ng maliwanag at matinding pagsisikap nina Cayetano, Trillanes at ng kanilang mga testigo na pabagsakin si Binay, kasama ng kanyang ambisyong pamunuan ang bansa sa 2016.
Sa puntong ito, mas gugustuhin ng karamihan na makitang winawakasan ng mga senador ang imbestigasyon sa mga iregularidad umano sa Makati, at tigilan ang pag-aaksaya sa pera ng mga mamamayan sa pagpapapogi habang winawasak si Binay. Kung inaakala ng mga senador na guilty si Binay ay kasuhan siya, at hayaang umandar ang gulong ng hustisya.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert Roque Jr.