PAGKATAPOS ng tig-apat na laro, umaangat nang kaunti ang Kia Motors kontra Blackwater Sports sa labanan ng mga expansion teams sa PBA Philippine Cup.
May isang panalo lang kontra sa tatlong talo ang Sorento samantalang apat na sunod na kabiguan ang nalasap ng Elite.
Ngunit para kay Kia acting coach Glenn Capacio, nakikita niyang lalong gumaganda ang laro ng kanyang tropa.
“Malaki na ang improvement ng team. Natsa-challenge na sila. Hindi na sila nagugulat o na-i-starstruck. Nung opening game yung mga players halos mabitawan yung bola sa nerbiyos,” wika ni Capacio na pansamantalang kapalit kay playing coach Manny Pacquiao na naghahanda sa kanyang laban kay Chris Algieri sa Nobyembre 23 sa Macau.
Tanging ang Blackwater ang tinalo ng Kia sa pagbubukas ng PBA season noong Oktubre 19 sa Bulacan.
Natalo naman ang Sorento kontra Barangay Ginebra San Miguel, Rain or Shine at Globalport.
“Itinuro ko talagang maging pasensyoso. Kung hindi ka magiging pasensyoso, ang mangyayari, parati kaming tatambakan,” ani Capacio. “Basta andun yung effort kada laro, okay lang sa akin.”
Sa panig ng Blackwater, hindi itinago ni Elite coach Leo Isaac ang kanyang pagkadismaya sa ilan niyang mga manlalaro na sa tingin niya ay hindi pumupukpok nang husto.
Pagkatapos ng kanilang pagkatalo sa Kia, hindi rin nakaporma ang Blackwater kontra Rain or Shine, Ginebra at Meralco.
“Totally na-miss out namin yung game preparation namin,” ani Isaac. “It’s frustrating because nakikita namin how the players work during practice pero pagdating ng game day, wala. Some of the players here sa ensayo, doble, pero pagdating ng laban, bawas na.”
Nais ni Isaac na gayahin ng kanyang mga bata ang ginagawa ngayon ng Kia na kahit natalo sa Globalport, 84-79, ay lumalaban na ang Sorento.
(James Ty III)