MALAKING ALON ANG DUMALUYONG SA TRICYCLE DRIVER AT KAY EDNA SA GITNA NG TUYONG KALSADA
Mula sa kung saan kasi ay bigla na lang dinaluyong ng dambuhalang alon ng tubig ang sinasakyan niyang traysikel. Kisap-mata lang ay parang nasa gitna na sila ng karagatan. Tumaob at siniklot-siklot ng malalaking alon ang traysikel. Kapwa sila tumilapon ng tricycle driver. Bumulusok siyang pailalim sa karagatan. Malalim ang tubig na tumakip sa lupa. Takang-taka man sa nangyari ay naisip pa rin niya ang sari-ling kaligtasan. Nagpilit siyang makalangoy nang palutang. Nanikip ang kanyang dibdib sa kakulangan ng hangin sa matagal na pagkawag-kawag ng mga paa at kamay. At sa pagsinghap niya matapos mailutang ang ulo sa tubig ay unang nabigkas ng kanyang bibig ang mga katagang “Panginoong Jesus, saklolohan Mo po ako!”
Mistulang sumingaw mula sa ilalim ng tubig ang balumbon ng makapal na itim na usok sa harap ni Edna. Sumagitsit iyon paitaas at naglaho rin naman agad sa kanyang paningin. Walang ano-ano’y mabilisang humupa ang lampas-dalawang-taong taas ng tubig.
At namalayan na lamang niyang nakasubsob siya sa isang bukas na kanal sa ta-bing kalsada. Nasa di-kalayuan ang tricycle driver, walang kakilos-kilos sa pagka-kadapa, nakalublob ang mukha sa tubig-kanal na hanggang bukong-bukong ang lalim.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na namatay ang tricycle driver sa pagkabagok ng ulo matapos sumalpok sa poste ng Me-ralco ang minamaneho nitong sasakyan.
“Imposibleng malunod ang biktima sa napakababaw na tubig-kanal,” anang police investigator na nagresponde sa lugar.
Alam ni Edna na pagkalunod ang ikinamatay ng tricycle driver. Gayon man ay nanahimik na lamang siya. Tiyak kasi na walang maniniwala kung ikukuwento niya ang totoong nangyari sa kanila ng tricycle driver.
Dinala ang dalagang guro ng mga tauhan ng pulisya sa pinakamalapit na pagamutan. Pinauwi rin naman agad siya ng doktor ng ospital dahil hindi naman malubha ang pinsala sa katawan. Nagkaroon lang siya ng malaking bukol sa ulo noong bumaligtad at mauntog sa bubong ng sinasakyan niyang traysikel. (Itutuloy)
ni Rey Atalia