PATAY ang dalawang hostage-taker at isang biktima habang sugatan ang isa sa magkahiwalay na insidente sa Dagupan City at Ermita, Maynia.
Sa Dagupan City, kapwa patay ang hostage taker at ang biktimang dalagita sa apat-oras na hostage drama sa bayan ng Asingan pasado 5 a.m. kahapon.
Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang suspek na si Orlando Victorio at 12-anyos niyang step daughter na kanyang binihag.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, sinita ng isang Hermie Ilumin ang suspek sa ginagawang pananakit sa kanyang step daughter bagay na ikinagalit ni Victorio kaya pinaputukan si Ilumin na tinamaan sa binti.
Nagsumbong si Illumin sa himpilan ng pulis-ya bago nagtungo sa pagamutan dahil sa nasaksihang pananakit ng suspek sa biktima.
Sinubukang kausapin ng mga awtoridad ang suspek ngunit tuluyan niyang binihag ang dalagita.
Pinaputukan ng mga pulis ang suspek nang marinig ang putok ng baril mula sa loob ng bahay at ang pagsigaw ng biktima.
Iniimbestigahan ng mga awtoridad kung kaninong baril nagmula ang bala na tumama sa dalagita.
Samantala, patay rin ang isang hindi nakikilalang lalaki makaraan ba-rilin ng mga pulis nang i-hostage ang isang kahera ng karinderya na kanyang pinasok kamakalawa ng gabi sa Ermita, Maynila.
Ayon kay SPO1 Charles John Duran, ang suspek ay tinatayang may gulang na 35 hanggang 40-anyos, 5’0″ ang taas, at may tattoo na pakpak at Michael sa kanang braso.
Habang ang ini-hostage ng suspek ay kinilalang si Joana Lacsamana, 21, cashier, residente ng 1316 Penafrancia St., Paco, Maynila, may saksak sa ulo at braso, nila-lapatan ng lunas sa Philippine General Hospital.
Ayon sa ulat, dakong 10:30 p.m. nang pasukin ng suspek ang RJ Luncheonette sa 799 P. Gil St., corner Taft Avenue, Ermita.
“Nakita n’ung Randy Canlas, nagtatrabaho rin sa karinderya na pumasok ‘yung suspek sa kusina malapit sa drinking station, akala niya iinom ng tubig, biglang kinuha ‘yung butcher knife. Hinarang niya ‘yung suspek pero sinipa siya, sabay hatak sa babae,” ayon kay Duran.
Mabilis na nagresponde ang mga elemento ng MPD-PS 5 sa pangu-nguna ni Supt. Romeo Macapaz, station commander.
“Nang makita nila na duguan na ‘yung biktima, pinaputukan nila ‘yung suspek, at pag-katapos ng putok nakita na nakahandusay kaya isinugod na sa hospital ‘yung biktima,” dagdag ni Duran.
Leonard Basilio