SOLO first place ang puntirya ng San Miguel Beer at Alaska Milk sa kanilang pagkikita sa PBA Philippine Cup mamayang 7 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ikatlong panalo naman sa apat na laro ang nais maiposte ng Meralco at NLEX na magtatagpo sa ganap na 4:15 pm.
Ang Aces at Beermen ay nagwagi sa kanilang unang tatlong laro at nagnanais na mapanatiling malinis ang kanilang karta.
Dalawa sa tatlong panalo ng Aces ay naging tambakan. Dinurog nila ang defending champion Purefoods Star (93-73) at Meralco (105-64). Naungusan nila ang Talk N Text (100-98).
Tinalo naman ng Beermen ang Rain Or Shine (87-79) at Purefoods Star (87-80) na kapwa kulang sa tao nang sila ay magkita. Dinaig din nila ang Barako Bull (103-89).
Ang Aces ni coach Alex Compton ay pinangungunahan ni Calvin Abueva na kamakailan ay pinarangalan bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Siya ay sinusuportahan nina JVee Casio, Sonny Thoss, Cyrus Baguio at mga prized rookies Chris Banchero at Rome dela Rosa.
Laban sa Barako Bull ay hindi nakapaglaro ang mga big men na sina Doug Kramer (sprained ankle) at Rico Maierhofer (knee contusion). Inaasahang magbabalik sa active duty ang dalawang ito mamaya.
Ang Beermen ay pinangungunahan nina June Mar Fajardo at Arwind Santos – dalawang Most Valuable Player awardees. Sinusuportahan sila nina Chris Lutz, Marcio Lassiter, Sol Mercado at Chris Ross.
Ang NLEX at Meralco ay kapwa may 2-1 karta at kasama sa ikatlong puwesto ng Barangay Ginebra. Ang magwawagi mamaya ay makakasalo ng matatalo sa larong Alaska Milk at San Miguel Beer sa ikalawang puwesto.
Ang NLEX ay galing sa 97-81 panalo kontra Barangay Ginebra.
Bago pinadapa ng Alaska Milk, ang Meralco ay nagwagi kontra Barako Bull (112-108) at Blackwater (83-75). Ang dalawang panalong ito ay naitala matapos ang overtime.
(SABRINA PASCUA)