KUNG gaano kalakas ang NLEX noon, tilla ganoon ding kalakas ngayon ang Hapee Toothpaste na siyang tinitingala sa 2014-15 PBA D-League Aspirants Cup.
Well, hindi nga naging impresibo ang unang laro ng Fresh Fighters noong Lunes dahil hindi ganoon kalaki ang inilamang nila sa AMA UniversityTitans na tinalo nila, 69-61.
Pero sa pananaw ng karamihan ay hindi naman talaga itinodo ng Fresh Fighters ang kanilang lakas, e. Medya-medya lang ang kanilang ipinakita.
At inamin din ni coach Ronnie Magsanoc na kulang pa sa chemistry ang kanyang team dahil apat na beses pa lang silang nag-eensayo. Hindi pa sila gaanong magkakakilala.
Kapag nagkakilala na sila ng husto, tiyak na dudurugin na nila ang oposisyon! Iyan ang palagay ng lahat.
Matindi kasi ang line-up ng Hapee Toothpaste na kinabibilangan ng nucleus ng San Beda Red Lions na kamakailan ay nagkampeon sa ikalimang sunod na taon sa National Collegiate Athletic Association.
Ang koponan ay pinamumunuan ng 6-8 Nigerian center na si Olaide Adeogun kasama ang kanyang kapwa Red Lions na sina Art dela Cruz, Baser Amer at Ryusei Koga.
Idinagdag sa koponan sina Chris Newsome at Niko Elorde na buhat sa Ateneo Blue Eagles.
Kasama rin nila ang two-time UAAP Most Valuable Player na si Bobby Ray Parks, kasalukuyang NCAA MVP na si Earl Scottie Thompson ng Perpetual Help, Troy Rosario ng UAAP champion National University Bulldogs, La Salle center na si Arnold Van Opstal at mga beteranong sina Garvo Lanete, Kirk Long at Marvin Hayes.
Aba’y powerhouse team talaga!
Kaya naman ngayon pa lang ay isinasabing tiyak na susundan ng Hapee ang Yapak ng NLEX!
At ang katanungan ay: Sino ang makakalaban ng Hapee Fresh Fighters sa finals?
Sabrina Pascua