KABILANG ang mag-inang Karla Estrada at Daniel Padilla sa patuloy na tumutulong sa kanilang mga kababayan sa Tacloban, Leyte na sinalanta ng Super Typhoon na Yolanda halos isang taon na ang nakaraan.
Sinabi ni Karla na unti-unti na silang nakakabangon sa nangyaring trahedya noong November 8, 2013 na nagresulta ng pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Namatayan kami ng apat na tiyuhin at isang pamangkin. Maraming nalagas sa amin, madami sa aming namatay. In fact, yung iba, nasa mass grave.
“When Yolanda was devastating Tacloban at that time, nandoon iyong mother ko. Imagine-in mo iyong feeling na, nag-news black-out, walang signal (sa cellphone). So, that was Friday night. So noong Saturday, buong araw… wala na ako, as in, talagang hindi ko na kaya. Kaya Sunday ng 8 a.m., bumiyahe na ako papuntang Bicol,” pagbabalik-tanaw ni Karla.
Dagdag pa niya, “Pero nakapag-message pa ako sa lahat ng fans ni Daniel (Padilla) na magpadala ng relief goods. So, iyong relief goods ko na dalawang truck ng Pantranco ang unang nakarating doon. Bale isinabay ko iyon sa pagdadalamhati ko.”
Ibinalita rin ng aktres ang ilang proyektong ginagawa nila para makatulong sa kanilang mga kababayan.
“Ngayon ay nagga-gather na kami ng mga school na devastated at gusto naming magbigay kami, sampu ng mga endorsements ni Daniel… ay talagang kinakatok ko para makapagpagawa tayo ng mga classrooms.
“Walang kapalit at wala akong plano kung ano man ang gagawin natin. Nandito lang ako para i-share ang naging experience ko at ano ang maitutulong natin.
“Katulad noong huli naming fiesta na inuwi ko si DJ (Daniel), walang hiningi kahit singkong duling sa ating government sa Tacloban. Sobrang nakatataba ng puso iyon na twenty five thousand people ang dumating sa grandstand ng libre, ‘no.”
Bahagi rin si Karla ng libreng thanksgiving concert sa November 7, 2014 na tinawag na Handumanan: Pasasalamat sa mga Bayani ng Haiyan. Gaganapin ito sa Quezon City Memorial Circle sa ika-apat ng hapon onwards.
Anong masasabi niya sa project na ito? “Excited ako, kasi eto naman talaga ang gusto kong gawin, ang tumulong.
“Ang palagi kong sinasabi, ‘Let me know kung anong kailangan ninyo and doon ako manggagaling para makapagbigay ng tulong.’ So, anything about Yolanda, anything about Tacloban or Region VIII, lagi akong handa. Kasi, kung nakakatulong tayo sa hindi natin kababayan, siyempre, priority yung mga kababayan natin. Kasi hindi biro yung pinagdaanan nila at pinagdaanan ng buong pamilya ko.”
Ang Handumanan ay wikang Bisaya na ang kahulugan ay tribute o pagbibigay-pugay o parangal.
Ang actor-director-producer na si Carlo Maceda na tubong Leyte rin ang isa sa nasa likod ng HDGI o Haiyan Disaster Governance Initiative na siyang involved sa proyektong ito. Kabalikat ni Carlo rito ang Rehabilitation Czar na si ex-Senator Ping Lacson, former Tacloban City Administrator Atty. Tecson Lim, at iba pa.
Layunin ng naturang thanksgiving concert na pasalamatan ang lahat ng mga tao at organisasyon na nagbigay ng tulong upang maka-survive at muling makabangon ang mga hinagupit na matinding Bagyong Yolanda.
Ang ilan sa mapapanood sa libreng concert na ito ay ang mga Leyteño na tulad nina Karla at Kitchie Nadal. Kabilang din sa magtatanghal ang South Border,Imago, Banda ni Kleggy, Gracenote, Mayonnaise, Phylum and Myrus Bands, ang international artist na si Steve Steadman, at marami pang iba.
Sa mga gustong maki-isa at tumulong sa proyektong ito, maaaring makipag-ugnayan sa: [email protected] or call Haiyan Disaster Governance Initiative (HDGI) at tel nos. 959-8291 or 0905-255-5905.
ni Nonie V. Nicasio