BALIK-ABS-CBN na sina Marvin Agustin at Jolina Magdangal kaya ang tanong ng lahat bakit ang bilis? Bakit ‘yung ibang artistang umalis at gustong bumalik ay hindi pa nakababalik?
Ang direktor ng Flordeliza na si Wenn Deramas ang sumagot na, ”kasi wala silang ginawang masama!”
May ibig sabihin ba si direk Wenn? ”Kasi, maayos ang paalam, malinis so, ang management ng ABS, walang bad blood sa kanilang dalawa, walang kahit na anong ganoon. Hindi sila nanunog ng tulay, so, ibig sabihin ‘yung tulay buo, hayan sila, tawid ng tawid.”
Oo nga naman, in fairness wala kaming narinig na bad comments sa kanila mula sa mga bossing ng ABS-CBN.
At isang halimbawa na nga ay si Claudine Barretto na nagkaroon ng hindi magandang exit sa network dahil sumama ang loob sa kanya ng management.
Ang paliwanag ni direk Wenn, ”kasi may mga taong naapektuhan, natapakan, na-offend. So kailangang ayusin lang muna.”
Matagal na kasing gustong bumalik ni Claudine sa ABS-CBN at siya rin mismo ang nagsabing gagawa na siya ng pelikula sa Star Cinema, pero waley naman pala.
Ang sabi ni direk Wenn, ”kapag naayos ‘yun (problema sa Dos), ako mismo ang iisip ng 12 proyekto para kay Claudine Barretto na pelikula at TV dahil si Claudine lang ang walang flop na pelikula sa Star Cinema. At si Claudine ang walang mababang ratings (teleserye), ultimo ‘yung kanyang horror na ‘Maligno’, kahit na ‘pag nagluka-lukahan ‘yan, mataas ang ratings ng Claudine Barretto soap.
“Even her last (movie), rati kasi hundred millions (kita) ang uso, kunwari ‘yung kanya na hindi umabot ng hundred millions, hindi pa rin consider na flop, sobrang laki pa rin ‘yun kompara mo sa kita ng ibang artista.”
Sabi pa ni direk Wenn na willing siyang mamagitan kina Mrs. Inday Barretto at Claudine para sa ABS-CBN management.
“Nasabi ko sa kanila (Mrs. Barretto) kung ano ang dapat nilang gawin para maayos ang gusot at ako mismo ang magbi-bridge.”
Sa tanong namin kung anong sagot ng mag-ina? ”Willing daw, pero kailangang paghandaan, hindi ura-urada. Si Jolina (marvin) nga, 12 years, oh, pero kita n’yo, nandirito pa rin, so walang imposible.”
Say pa ni direk Wenn, ”Alam ng pamilya nila, alam ni Mommy Inday, alam ni Claudine na ako ay kaibigan niya noon, direktor niya noon at kaibigan n’ya hanggang ngayon at sana maging direktor niya ulit, bukas.
“Mahal ko ‘yun, walang makaka-kuwestiyon. Ako lang yata ang taong puwedeng bumatok lang sa kanya, walang makapagrereklamo, sa pinagsamahan namin ni Claudine?
“She was only 16 nang magsimula kaming magtrabaho, lahat ng events sa buhay niya, nandoon ako, even debut, kaya nga sinasabi ni mommy Inday, ‘ikaw lang ang puwedeng kumausap, ikaw lang. Kaya si mommy Inday, ako ang nilalapitan kasi nakikinig sa akin si Clau (tawag ni direk Wenn sa aktres).
“Puwede kong sabihin lahat kay Claudine ng hindi ako mangingimi ng kahit na ano, bukod sa wala rin naman akong takot kahit kanino, pero ganoon ko siya kamahal, kung hindi ko siya mahal, wala akong pakialam. Mahal ko ‘yun, sobra kaya nabubuwisit ako sa mga nangyayari (intriga), nagagalit ako sa mga nangyayari kasi kontrolado nila, if only,”
Anong mga nangyayari na ikinabubuwisit at ikinagagalit ni direk Wenn?
“’Yung mga nangyayari, hindi ba kayo aware? ‘Yung mga away, imbes na artista, umarte ka lang, ‘yun lang ang dapat, eh. Kasi napakaganda ng talent, napakaganda ng mukha.
“Kaysa ibinibigay mo at pinagtitiyagaan mo sa artistang ito, eh, itutumba ni Claudine Barretto ‘yan, eh!”
Samantala, natanong din namin kung si Julia ang makapapantay sa pag-arte ng Tita Claudine niya dahil nabanggit na siya raw ang kapalit sa trono ng iniwan ng aktres sa Dos.
“Si Julia ay ako ang unang direktor din mula bata, ‘Walang Kapalit’, ‘Kokey’. ‘Yung papalit sa trono, of course puwede bakit, isa siyang Barretto.
“’Di ba kahit sa England, sa pamilya lamang umaandar ang dugo kung sino ang papalit kanino, but ang laki ng space na dapat pasukin ni Julia para makuha niya ‘yung posisyon o korona ni Claudine Barretto, ‘di ba.
“Kumbaga unfair kay Julia kasi ikinu-compare mo bago na siya ‘yung magpi-fill up ng trono kasi si Claudine, naiisipan ng proyektong Barretto bilang reyna, ako ganoon ako mag-isip, eh. After ‘Mula Sa Puso’, ano ang puwede ko pang gawin kay Clau, triplets siya, anong susunod, past and present tulad sa ‘Dulo ng Walang Hanggan’. Okay break ng kaunti, gawin nating parang friends, kaya nabuo ‘yung ‘Buttercup’. After ‘Buttercup’, sirena, ‘Marina’, ‘di ba? Hanggang nag- ‘Maligno’ siya. Ganoon ko iniisipan si Clau-Clau rati,” paliwanag mabuti ni direk Wenn.
ni Reggee Bonoan