HINDI lubusang pinagbigyan ng Sandiganbayan ang kahilingan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng pagpanaw ng kanyang apo.
Ibinasura ng First Division ng anti-graft court ang hiling ni Arroyo na ma-house arrest sa loob ng siyam araw.
Katwiran ng korte, mabigat ang kasong plunder na kinahaharap ng dating pangulo at nangangailangan ng atensiyong medikal kaya naka-hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Gayonman, dahil sa humanitarian considerations, pinayagan si Arroyo na makadalaw sa burol ng apo sa Forbes Park sa Makati City simula kahapon, Martes, Nobyembre 4 hanggang Linggo, Nob. 9 ngunit mula 12 p.m. 10 p.m. lamang.
Maaari ring dumalo si Arroyo sa libing ng apo sa Nob. 10 mula 7 a.m. hanggang 3 p.m.
Sa dalawang pahinang desisyon ng Sandiganbayan, nakasaad ding pagkakalooban ng Philippine National Police (PNP) ng kaukulang seguridad si Arroyo ngunit ang akusado ang magbabayad sa lahat ng gastusin sa biyahe.
Bawal siyanng magpaunlak ng panayam sa media at gumamit ng communication gadgets.
Matatandaan, sa orihinal na hirit ng dating pangulo, nais niyang ma-house arrest ng siyam na araw sa kanyang tahanan sa La Vista, Quezon City at araw-araw na makadalaw sa burol ng apo, pati sa libing sa Makati.