BACOLOD CITY – Isinugod sa ospital si dating DENR secretary at dating Senador Heherson Alvarez makaraan mabangga ng truck ang sinasakyan niyang Montero Sport sa Brgy. Pandanon Silos, Murcia, Negros Occidental.
Galing sa isang climate change conference sa lungsod ng Talisay si Alvarez at patungong lungsod ng San Carlos upang matingnan ang solar field sa isang solar power plant sa nasabing lungsod nang mangyari ang insidente.
Nataong dumaan sa lugar si Vice-Governor Eugenio Jose Lacson mula sa lungsod ng San Carlos at nakita ang insidente kaya pinara ng kasama ng dating opisyal ang sasakyan ng vice governor upang humingi ng tulong.
Ayon kay Lacson wala siyang nakitang malaking sugat kay Alvarez ngunit pinaniniwalaang nagkaroon ng internal bleeding.
Ligtas na rin sa panganib ang kasamang staff ni Alvarez at isang personnel ng Bacolod City Environment and Natural Resources Office (CENRO).
Samantala, wasak ang sasakyan ng dating mambabatas dahil sa impact ng pagkakabangga ng truck dito.