HINILING ng Bayantel Telecommunications at ng Globe Telecom sa Court of Appeals na ibasura ang kasong isinampa ng Philippine Long Distance Telephone dahil sa kawalan ng sapat na merito.
Sa Joint Rejoinder ng Bayan-Globe sa 17th Division ng CA noong nakaraang Oktubre 30, ipinaaalis din ng dalawang telcos ang temporary restraining order (TRO) na ipinalabas nito noong Oktubre 9, 2014 laban sa NTC at ipinababasura ang pagkakaloob ng writ of preliminary injunction.
Sa naturang Joint Rejoinder, nanindigan ang Globe na ang itinutulak na ‘bully’s agenda’ ng PLDT na walang basehan ay nagpapakita na hindi titigil para mapigilan ang P5 billion rehabilitation effort ng Globe.
“Ironically, petitioner (PLDT) has the audacity to pontificate that Bayantel and Globe are the ones conspiring ‘to create an anti-competitive environment’ in the telco industry,” giit ng Globe.
Binigyang-diin ng Bayan-Globe sa CA na ang iginigiit ng PLDT na karapatan para maproteksyonan ay walang basehan dahil ang rehabilitasyon ng Bayan ay magbabangon lang dito – at hindi talaga magdudulot ng ‘unfair competition.’
”Bayan’s co-use of its radio frequencies with Globe are not at all inimical to petitioner PLDT nor to the industry or the subscribing public as they will not only mean the success of Bayan’s rehabilitation but a benefit for the rapidly expanding consumer market by empowering them with more choices and faster and better products and services,” nakasaad pa sa Joint Rejoinder.
Nakasaad na walang isyu hinggil sa pangangailangan ng congressional approval sa umano’y franchise transfer dahil ang nailipat lang ay shares of stock ng Bayan at hindi ang prangkisa nito.
Binanggit din sa joint petition ang Supreme Court ruling sa kaso ng “PLDT vs. NTC” na ang “paglilipat ng shares ng isang public utility corporation ay nangangailangan lamang ng pahintulot ng NTC at hindi ng Kongreso.”
Magugunitang naalis ang monopolyo ng PLDT sa lumalagong telco industry sa pagpapatupad ng telecoms deregulation law – RA 7925 – ngunit patuloy itong binabalewala ng PLDT sa pamamagitan ng mga mapaminsalang pakikipagsapalaran tulad ng pinakahuli nitong taktika sa pagpigil sa Bayan, sa mga empleyado at kasalukuyang customers nito sa pagpapatupad ng inaprubahang rehabilitation plan ng Pasig Regional Trial Court.
Bong Son