KILALA na ng pulisya ang apat sa 11 miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity na mga suspek sa pagkamatay ng dating estudyante ng Southern Luzon State University (SLSU) dahil sa hazing.
Ayon sa pulisya, bago bawian ng buhay ang 24-anyos na si Ariel Inopre sa Bicol Medical Center sa Naga City nitong Linggo ng madaling araw ay nagawa niyang ipagtapat sa mga magulang na sumailalim siya sa hazing sa nasabing samahan sa Brgy. Mapulot sa Tagkawayan, Quezon.
Ayon kay Sr. Insp. Reynaldo Reyes, hindi pa nila papangalanan ang mga suspek ngunit tiniyak na sasampahan ng kaso ang mga responsableng miyembro at opisyal ng fraternity sa pagkamatay ni Inopre bago ilibing ang biktima sa Sabado.
Napag-alaman, Oktubre 17 nang sumailalim si Inopre sa hazing ngunit Oktubre 19 nang mahalata ng kanyang mga magulang ang inakalang pigsa sa kanang hita ng biktima.
Dinala siya sa ospital dahil lumala ang pakiramdam ngunit binawian ng buhay dahil sa kidney failure at impeksyon.
Beth Julian