DAVAO CITY – Tinutugis ng mga awtoridad ang ama ng 9-buwan sanggol na iniwan sa inuupahang kwarto sa loob ng dalawang araw at itinali ang dalawang paa sa kama.
Kinilala ng Sta. Ana PNP ang ama na si Jerry Iwag, isang buwan pa lamang na nangungupahan sa Purok 3, Brgy. 25-C, lungsod ng Davao.
Ayon kay Supt. Royina Garma, hepe ng Sta. Ana PNP, hindi na matiis ng kapitbahay ang pag-iyak ng bata kaya kanilang pinasok kasama si Brgy. Kagawad Ronald Balensona.
Sa puntong iyon ay bumulaga sa kanila ang kahabag-habag na hitsura ng isang batang lalaki sa loob nang madilim na kwarto, nakatali ang dalawang paa sa kama gamit ang sling ng bag, naliligo sa pawis at puno ang katawan ng kagat ng lamok at langgam. Sinasabing may sugat ang bibig ng sanggol.
Agad dinala sa Sta. Ana PNP ang sanggol at pinadede dahil gutom na gutom.
Nasa pangangalaga ngayon ng Department of Solcial Welfare and Development (DSWD) ang nasabing sanggol at inoobserbahan ang kalagayan kahit lumabas sa pagsusuri ng doktor na wala siyang malubhang sakit.
Dagdag ni Garma, hindi mabigat na rason na iwan ng ama ang anak dahil lamang sa paghahanap sa ina ng sanggol na tuluyan na silang iniwan.
Malaki ang paniniwala ng mga doktor na kung natagalan pa ang pagsagip ay posibleng ikamatay ito ng bata.
Ang ama ay nahaharap sa kasong child abuse.