SUBIC BAY FREEPORT – Pinarangalan ng Bureau of Customs ang isang opisyal at mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Port of Subic dahil sa pagpigil sa tangkang pagpuslit palabas ng Subic Freeport ng mga imported item na nagkakahalaga ng P5 milyon.
Pinarangalan nitong Oktubre 27 sina Manolo Arevalo, officer in charge ng CIIS-Intelligence Division at mga tauhan na sina Intelligence Agent Teodorico Tobias, Special Agents Reycristo Ruanto, Jr., at Ruperto Sulit, Jr.
Sinabi ni BoC District Collector Port of Subic ret. Gen. Arnulfo Marcos na dahil sa mabusising pagsisiyasat ay napigil nina Arevalo ang tangkang pagpuslit ng 7,200 kahon ng ceramic tiles na nagkakahalaga ng P3 milyon palabas ng Subic.
Ang kargamento na naka-consign sa Tough Sapphire Enterprises sa Biñan, Laguna ay nakapaloob sa isang 20-footer container van at may palsipikadong dokumento.
Una rito, ipinag-utos ni Marcos ang pagkumpiska sa isang 40-footer container van na naglalaman ng kinalas na eroplano, isang rubber boat at isang Lycoming 0-320 engine na naka-consign naman sa Centurion Import Services sa Philcox Hangar, General Aviation Area, MDA, Pasay City.
Nabatid na pineke ng Centurion ang papeles ng kargamento upang ibaba ang halaga nito pati na rin ang babayarang buwis at inilipat sa Auction and Cargo Disposal Unit ng BoC ang epektos habang hinihitay ang resulta ng imbestigasyon ukol dito.
Ang mga nabanggit na consignees ay nahaharap sa paglabag sa Section 2530 of Tariff and Customs Code of the Philippines.
Sa hiwalay na insidente, nakumpiska naman ng Enforcement and Security Service ng BoC sa Port of Subic sa pangunguna ng hepe nito na si Lt. Paul Oandasan ang mahigit 7,000 kahon ng Bavaria Premium Beer na nagkakahalagang P2.8 mil-yon sa Olongapo City.
Ang mga beer ay ipinuslit palabas ng Subic Freeport nang walang binayarang buwis sa pamahalaan.
Dahil dito, sinabi ni Marcos na ang pagkakahuli sa mga kontrabando ay babala sa mga magtatangkang gumawa ng maanomalyang negosyo sa Subic na mahuhuli nila ang mga ito.