Inuusisa ni Whyte & Mckay blender Richard Paterson ang bote ng Dalmore 64 – ang pinakamahal na whisky sa buong mundo.
MATAGUMPAY na nakumpleto ng Emperador Inc. ang pagbili sa higanteng kumpaya ng alak na Whyte & Mackay Group Limited at mga kasama nitong kumpanya noong Oktubre 31 sa halagang 430 million British pounds o katumbas ng 31 bilyong piso. Ang kasunduan ay nilagdaan noon pang Mayo 9.
Ang Whyte & Mackay ay ika-lima sa pinakamalaking pagawaan ng Scotch whisky sa buong mundo, at may taglay na 160 taon na kasaysayan sa industriya ng alak. Ito ang nagmamay-ari ng mga tanyag na tatak ng Scotch whisky. Kasama dito ang primera klaseng The Dalmore Single Highland Malt, Jura Premium Single Malt, at Whyte & Mackay Blended Scotch whisky.
Sa pamamagitan ng subsidiary nitong Emperador UK Limited, nabili ng Emperador Inc. ng 100 porsyento ang Whyte & Mackay. Ang Emperador Inc. naman ang may-ari ng Emperador Brandy – ang pinakamabentang brandy sa buong mundo.
Sinabi ni Emperador chairman Dr. Andrew Tan na ang whisky ang pangalawa sa pinakamabentang uri ng alak sa buong mundo. “Umaasa kami na makalikha ng kultura ng pag-inom ng Scotch whisky dito sa Pilipinas. Pormal na ilulunsad natin ang mga produkto ng Whyte & Mackay lalo na ang The Dalmore, Jura and Whyte & Mackay sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.’’
Ang Whyte & Mackay ang may hawak ng isa sa pinakamalalaking imbentaryo ng aged whisky. May kapasidad na gumawa ng 50 milyong litro kada taon and grupo mula sa lima nitong distileriya at isang bottling plant sa Scotland. Ang mga Scotch whisky nito ay ibinebenta sa 50 bansa sa buong mundo lalo na sa Europa at Hilagang Amerika.
Ang The Dalmore ay kinikilala sa kalidad at lasa. Noong isang taon, nagtala ng world record ang isang bote ng The Dalmore Brilliance matapos itong maibenta sa halagang 250,000 Euros o halos 15 milyong piso.
Ang The Dalmore Brilliance ay nag-iisang 1926 single malt whisky, ito ay nagtala sa Amsterdam Airport Schipol ng pinakamataas na halaga para sa isang partikular na alak.
“Ang Dalmore at iba pang tatak ng alak ng Whyte & Mackay ay mga dekalidad na produkto na ikinalulugod naming ipakilala sa mga Pilipino sa mga susunod na buwan,” ani Tan ng Emperador.