Monday , November 18 2024

Batik na naman sa PNP (Dahil sa Ms. Universal “Prosti-club”)

00 firing line robert roqueBATIK na naman na maituturing sa hanay ng pulisya at sa buong Philippine National Police (PNP) ang paratang na isang opisyal ang nanghalay umano ng isang waitress sa loob mismo ng kanyang opisina sa Southern Police District (SPD).

Ang waitress ay kasama sa mahigit 50 babae na hinuli raw sa pagtatrabaho nang walang permit, sa raid na isinagawa ng SPD sa Universal KTV na mas kilala sa pangalang Miss Universal (MU), sa F.B. Harrison Street, Pasay City noong Oktubre 23.

Dumulog ang biktima sa National Bureau of Investigation at inireklamo ng panggagahasa ang namuno sa raid na si Superintendent Erwin Emelo, hepe ng District Special Operations Unit (DSOU) ng SPD. Una raw siyang lumapit sa Camp Crame pero napunang hindi inaasikaso ang reklamo.

Ayon sa waitress ay pinapasok siya sa opisina ng opisyal at pinayagang magsama ng isang katrabaho niya sa loob upang mawala ang kanyang takot. Pinahiga raw ang magkaibigan upang makapagpahinga at pinagsuot pa raw ang biktima ng t-shirt at shorts.

Ilang ulit daw lumapit ang opisyal para alukin ang biktima na makipag-sex pero tumanggi ang waitress. Nang mapikon ang suspek at magbanta na tututukan ng baril ang biktima ay natakot ang waitress. Sinamantala raw ng opisyal ang pagkakataon at pinatalikod ang kaibigan para abusuhin ang biktima.

Kung totoo ang reklamong ito ay muling nalugmok sa putikan ang PNP, na hindi pa nakababangon sa serye ng sabit na kinasangkutan ng ilang pulis, kabilang na ang PNP Chief Director-General Alan Purisima. Dapat salain ang PNP at sibakin ang mga kriminal na nagtatago sa likod ng tsapa.

Pero kung totoong nang-rape ang inireklamong opisyal ay maaaring bunga ito ng kahalayang nakakabit sa club na pinagtatrabahuhan ng biktima. Hindi malayong inakala ng suspek na ang waitress ay tulad ng ibang babae na nagtatrabaho sa MU na puwedeng makatalik sa loob o labas ng club.

Sa pagmamatyag noon ng mga awtoridad ay natuklasan na ang club ay patuloy sa pagtatanghal ng malalaswang palabas at paglalako ng kanilang mga dancer at GRO, kabilang na ang mga menor de edad, sa mga dayuhan at Pilipino na puwedeng magbayad para sa panandaliang aliw.

Ang MU ay tatlong ulit nang nakatikim ng raid — dalawa mula sa NBI at ang huli ay sa SPD. Pero patuloy pa rin itong nakapag-o-operate kahit ilang daang metro lang ang layo nito sa Pasay City Hall at police headquarters.

Bulag ba ang Pasay police at mga opisyal ng local government sa kalaswaang nagaganap sa club? Ang Pasay Prosecutor’s Office ay agad inuutos na palayain ang mga babaing nahuhuli sa raid nang dahil sa mga teknikalidad kaugnay ng pag-arestong naganap.

Tulad nang dati nating ipinupunto, kahit i-raid ito gabi-gabi ay walang mangyayari kung palalayain ang inaresto at hindi ipasasara ang club. Ang MU, tulad ng ibang bahay-aliwan na namamayagpag sa prostitusyon, ay hindi dapat konsintehin. I-padlock ito at huwag hayaang magbukas muli.

Pero paano maipasasara nang tuluyan ang MU kung hindi umaaksyon si Pasay City Mayor Tony Calixto para ipakita na seryoso ang lungsod na labanan ang prostitusyon? Kung si Interior Secretary Mar Roxas ang mag-uutos ay magbubulag-bulagan pa rin kaya si Calixto sa problemang ito?

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

Robert Roque Jr.

About hataw tabloid

Check Also

Firing Line Robert Roque

Mga senador na nasa tama, nagkamali

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MARAHIL humupa na sa ngayon ang galit ng publiko …

Aksyon Agad Almar Danguilan

“Kian Bill” para sa mga inosente, isabatas na!

AKSYON AGADni Almar Danguilan IYAN ang sigaw o panawagan ng grupong Akbayan Partylist sa Kongreso. …

PADAYON logo ni Teddy Brul

Upakan sa Pasig umiinit

PADAYONni Teddy Brul HINAMON ni dating Pasig City councilor, Atty. Ian Sia si Mayor Vico …

Sipat Mat Vicencio

Imee Marcos hinayaan babuyin ang amang si Makoy

SIPATni Mat Vicencio HINDI man lamang nagawang ipagtanggol ni Senator Imee Marcos ang kanyang amang …

Dragon Lady Amor Virata

Overstay sa Amerika, deportation parusa ni Trump

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMING Pinoy ang nangangamba ngayon sa Amerika lalo mga …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *