TULOY na ang ambisyosong plano ng Philippine Basketball Association na kunin ang mga import na Asyano para sa Governors Cup na third conference ng liga.
Sa pulong ng PBA board noong Huwebes, sinabi ni Tserman Patrick “Pato” Gregorio na tig-isang Asyanong import na may taas na 6-3 pababa ang puwedeng kunin ng 12 na koponan ng PBA kasama ang mga Amerikanong import na lalaro rin sa Governors’ Cup.
Ipapasok ang Asian import sa 16-man lineup ng bawat koponan at bibigyan siya ng suweldong hindi hihigit sa $10,000 buwan-buwan.
Ayon kay Gregorio, ang pagdala ng Asyanong import ay bahagi ng programang Asian integration na inilaan niya sa PBA.
“We talked about the league balance and the competitive scenarios and we appreciate the fact about the image and branding and positioning of the league,” wika ni Gregorio. “It’s a program I initiated and they were one hundred percent in supporting that. And I thank the board for seeing my vision. It’s just one PBA conference. Mas tataas nga ang level of play ng mga Pilipino kasi masusukat sila hindi lamang against American imports kungdi against Asians.”
Idinagdag ni Gregorio na may plano rin ang PBA na maglaro sa ibang mga bansa sa Asya at makuha ng mga bagong koponan bago ang 2016, kasama ang pagtulong ng Department of Tourism sa Visit Philippines 2015 programa nito.
(James Ty III)