NAGKAROON ng tensiyon sa pagdinig ng Senate blue ribbon sub-committee kahapon kaugnay ng imbestigasyon sa mga isyu ng korupsyon laban kay Vice President Jejomar Binay.
Ito ay nang sumugod sa pagdinig ng lupon na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel, ang dalawang tagapagsalita ni Binay na sina Rep. Toby Tiangco at UNA Secretary General JV Bautista at nais magsalita.
Ngunit agad silang hinarang ni Sen. Alan Peter Cayetano sa pagsasabing walang karapatan magsalita sa pagdinig sina Tiangco at Bautista dahil hindi sila imbitado sa pagdinig at lalong hindi sila pahihintulutang magsalita para sa bise presidente.
Gayonman, sa kabila ng pagharang na ginawa ni Cayetano ay salita pa rin nang salita sina Tiangco at Bautista sa microphone dahilan upang hilingin ni Cayetano sa Senate sergeant at arms na palabasin ang dalawa.
Bunsod nito, napilitan si Pimentel na isuspendi ang pagdinig para kausapin ang dalawa.
Ngunit tila hindi pa rin humuhupa ang tensyon nang nakisali si Sen. Antonio Trillanes IV at Cayetano at dito na nagkomprontahan ang tatlong senador at dalawang tagapagsalita ni Binay.
Sa puntong ito, pinilit ng mga miyembro ng Senate sergeant at arms ang dalawa na lumabas sa session hall.
Cynthia Martin