ni Ed de Leon
INAMIN ni direk Wenn Deramas na tinatanong daw siya ng isang kompanya ng pelikula at maging ng Viva kung mayroon pa siyang isang project na pelikulang horror. Pero ang sinabi raw niya, gusto niya comedy na muna ang gawin niya.
Inamin din niya, siguro kung siya lang ang laging masusunod, gagawa siya ng limang pelikulang comedy at isa lang ng ibang genre.
Marami nga raw kasing pelikulang comedy na nakalinya pa para gawin niya, pati na ang sequel ng isa pang matagumpay na serye ng pelikula ni Aiai delas Alas, na sisimulan niya sa Enero.
Basta ngayon, busy siya sa promo ng pelikula niyang Moron 5.2, dahil ang paniwala niya mas maganda ang pelikula niyang ito kaysa part 1 noon na kumita ng malaki. Naniniwala siya na kailangang kumita iyang Moron 5.2 ng mas malaki pa, dahil umaasa nga siya na masusundan pa niya iyan ng part 3.
Mangyayari lang naman iyon kung kikita nga ang kanyang pelikula.
“Gusto ko naman sa mga pelikula ko, iyong may nanonood sa mga sinehan,” sabi ni direk Wenn.
Aba kahit na sino naman iyan ang gusto. Kasi kung hindi kumikita ang pelikula mo, ano man ang sabihin nilang husay mo, walang kukuha sa iyo. Tingnan nga ninyo iyong ibang director diyan, nagyayabang na nananalo pa sila ng awards sa abroad, pero kailangan nilang mambola ng mga mamumuhunan tuwing gagawa sila ng pelikula. Iyon kasing mga naunang namuhunan ayaw na dahil nalugi na. Sabihin mo mang ang pelikula ng mga baguhang director na iyan ay indie, na kaya nilang tapusin sa budget lang na P3-M, eh kung hindi naman mailabas sa sinehan dahil walang nanonood, at puro sa mga festival lang sa abroad na pinanonood naman ng libre, paano nga ba babalik ang puhunan?
Iyan kasing ibang mga baguhang director, kung gumawa ng pelikula eh parang nagti-trip lang. Gusto lang nila makapagyabang na may nagagawa silang “matitinong pelikula”. Pero lahat iyon hindi kumikita. Kaya nga bumagsak ang industriya eh, kasi ang ginagawa nila parang amateur movies lang.