TARGET ng Alaska Milk at Meralco ang ikatlong sunod na panalo sa kanilang pagkikita sa PBA Philippine Cup mamayang 4:15 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Sa ikalawang laro sa ganap na 7 pm ay pipilitin ng defending champion Purefood Star na makapasok na sa win-column sa kanilang pagtutuos ng Globalport.
Kapwa may 2-0 records ang Aces at Bolts matapos na mamayani sa kanilang unang dalawang laro.
Tinambakan ng Aces ang Purefoods, 93-73 at pagkatapos ay naungusan ang Talk N Text, 100-98. Dalawang extended games naman ang dinaanan ng Bolts na namayani sa Barako Bull, 112-108 matapos ang double overtime at nanaig kontra expansion team Blackwater, 83-75 matapos ang isang overtime.
Sumisingasing para sa Aces ang three year veteran na si Calvin Abueva na nagtala ng 26 puntos at 22 rebounds laban sa Tropang Texters. Gumawa rin siya ng 26 kontra Purefoods.
Katuwang ni Abueva sina Joaquim Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at prized rookie Chris Banchero.
Nagbida naman para sa Bolts kontra Blackwater si Cliff Hodge na gumawa ng 26 puntos at 18 rebounds. Makakatulong niya sina Gary David, John Wilson, Reynell Hugnatan at Sean Anthony. Ang Meralco ay ginagabayan ngayon ni coach Norman Black.
Ang Globalport ay nakabawi sa 96-101 kabiguan sa NLEX nang talunin ang Barako Bull, 91-81. Ang Purefoods Star ay hindi pa nananalo sa dalawang laro. Matapos na tambakan ng Aces, ang Hotshots ay natalo din sa San Miguel Beer, 87-80.
Magbabalik sa active duty para sa Hotshots si Marc Pingris matapos na hindi makapaglaro sa unang dalawang games. Kasama niyang magbabalik ang two-time Most Valuable Player na si James Yap na hindi naglaro kontra Beermen. Hindi makapaglalaro ng anim na buwan ang sophomore center na si Ian Sangalang na nagtamo ng punit na ACL. Pinapirma ng Purefoods Star ng kontrata ang free agent na si Don Carlos Allado upang punan ang pagkawala ni Sangalang.
(SABRINA PASCUA)