IPINATIGIL muna ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Department of Public Works & Highways (DPWH) ang pagpapatupad ng road re-blocking sa ilang lugar na apektado ng proyekto at ang number coding sa provincial buses upang mabigyan daan ang paggunita ng Undas.
Suspendido ang number coding na ipinatutupad sa provincial buses simula ngayong araw (Oktubre 30), base sa abiso ng ahensiya kahapon.
Tuwing Biyernes ng gabi ay sinisimulan ng DPWH ang kanilang road re-blocking o pagkukumpuni sa ilang kalsada sa Metro Manila na sakop ng road project ng pamahalaan.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, dapat mabigyan ng daan ang paggunita ng Undas at inaasahang makararanas nang pagsisikip ng trapiko sa ilang kalsada ng Metro Manila na malapit sa mga sementeryo.
Nauna nang inianunsiyo ng MMDA ang pagsuspendi ng number coding sa lahat ng mga sasakyan bukas (Oktubre 31) .
Gayondin sa lungsod ng Makati, nagpalabas ng kautusan ang kanilang lokal na pamahalaan na suspendido rin ang number coding simula bukas, Biyernes (Oktubre 31).
Jaja Garcia