HINDI natin alam kung tinatamad nang magtrabaho ang mga pulis na nakatalaga d’yan sa Manila Police District Raxabago Station (PS 1) o hindi talaga nila alam kung ang tungkulin nila sa mamamayan.
Hindi na ako magtataka kung bakit tanging ang MPD PS-1 ang paboritong hagisan ng Granada!
Kung hindi pa nagsumbong kay MPD CDDS chief S/Supt. Gilbert Cruz ‘yung isang katoto natin ay hindi pa maaaksyonan ang ginawang pana-nampal sa anak ng kanyang kaanak ng isang babaeng may-sapak sa Gagalangin, Tondo.
Ang biktima ay isang 10-anyos batang babae na sinapak nga umano ng isang babaeng may sapak.
Nagpunta sila sa tanggapan ng Barangay 186 Zone 16 para ireklamo ang insidente pero hindi umano sila pinansin ng barangay officials.
Kung hindi tayo nagkakamali ‘e si Chairman Jimmy Llorente ang namumuno rito.
Dahil hindi pinansin, napilitan magpunta ang bata at ang kanyang magulang sa presinto (MPD PS1).
Pero pagdating doon e sinabi ng ‘De Mesa’ na wala umano ang blotter nila at babaeng pulis na nag-iimbestiga ng mga ganoong kaso (Republic Act 7610 – Violation Against Women and Children (VAWC). Kaya pinababalik na lang sila ki-nabukasan, araw ng Linggo dakong 2:00 pm.
Bumalik naman sila, pero ganoon pa rin ang litanya ng ‘De Mesa.’
Wala pa rin ang babaeng imbestigador na on-duty.
Hindi rin umano magagawan ng entry sa blotter dahil nasa ‘itaas’ daw iyon ng opisina.
What the fact!?
Muli silang pinababalik, araw ng Lunes.
Pero kinabukasan, may jeepney STRIKE naman daw kaya male-late ng pasok ang imbestigador.
Sonabagan!!!
E ano ba talaga, Supt. Yuzano?!
Ano ba ang pinaggagagawa ng mga pulis ninyo?! Kung hindi pa nagpakilala ‘yung magulang ng biktima na mayroon silang kaanak na taga-MEDIA ‘e hindi pa aasikasuhin ng pulis ninyo!
Abangan n’yo na lang ang ‘tabak ni Damocles.’
‘Di ba, S/Supt. Gilbert Cruz?!