KAHIT limang sunod na pagkatalo ang nalasap ng Meralco sa ginaganap na Shakey’s V League Third Conference, desidido pa rin ang Power Spikers na ipagpatuloy ang kanilang paglalaro sa liga.
Ito’y sinigurado ng head coach nilang si Brian Esquivel nang naging panauhin ang kanyang koponan sa lingguhang forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa Shakey’s Malate noong isang araw.
“Two months lang kami nagkasama,” wika ni Esquivel. “Many of my players are also working as employees of Meralco and we practice usually after office hours. Hindi pa kami nagje-jell. We plan to play in at least two conferences sa V League next season and we’re also open sa pagsali sa PSL (Philippine Super Liga).”
Ilan sa mga manlalaro ng Meralco ay sina Aby Marano, Maureen Penetrante-Ouano at Stephanie Mercado ng La Salle, Jen Reyes ng National University at Maica Morada ng UST.
Lahat sila ay nagtatrabaho rin sa iba’t ibang mga sangay ng Meralco at katunayan, kasama si Marano sa Corporate Communications department ng kompanya sa ilalim ng spokesman nilang si Joe Zaldarriaga.
Sinabi naman ni Ferdinand Veluz na team manager ng Power Spikers na bukod sa paglalaro nila sa V League ay tutulong din sila sa mga advocacies ng Meralco kasama ang iba pang mga koponan tulad ng Meralco Bolts ng PBA at Meralco Loyola Sparks ng United Football League.
“Even though we have not yet won a game, we’re targeting to finish third sa V League. We were away for close to a year kaya nangangapa pa kami sa pagbabalik sa V League,” ani Veluz.
Haharap ang Meralco kontra Cagayan Valley sa huling laro ng eliminations ng V League mamaya sa The Arena sa San Juan.
(James Ty III)