“Ako si Yahweh, ang iyong Diyos. Huwag kang sasamba sa ibang diyos maliban sa akin”. Deuternomio 5:6-7
“Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip”. Mateo 22:37
Ayon sa isang pagsasaliksik, ang pinakamataas daw na porsyento ng dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa ay ang pangangaliwa o pagkakaroon ng iba, kadalasan ng mga lalaki. Kamakailan lang, may napanood ako sa TV tungkol sa isang lalaking nagkaroon ng 34 na babae. Ilan dito ang pinakasalan niya. Bakas ang kalungkutan sa kanyang mukha nang sabihin niyang pinipili na lang niyang mag-isa sa mga araw tulad ng Pasko dahil iniiwasan niyang may magselos, maghinanakit o magtampo.
Maaaring ganito rin ang kalagayan ng ating relasyon sa ating Panginoon. Sa mundo natin ngayon, napakaraming tao o bagay na ginagawa nating diyos-diyosan. Pera, kapangyarihan, katanyagan, mga ari-arian, propesyon, mga ibat-ibang bisyo, mga taong sobra nating mahal at marami pang bagay ang maaari nating tinuturing na pinakamahalaga sa ating buhay. Madalas, mas mahalaga pa sa ating Maykapal.
Sabi ni Santa Teresa ng Avila, “Hindi maaaring manahan ang Diyos sa isang pusong mayroon nang nag-ookupa”. Hanggat hinahayaan natin ang ating mga sarili na mas pahalagahan ang mga bagay sa mundo, hindi magkakapuwang ang Diyos sa ating buhay. Ang problema lang nito ay gaano ka mang kayaman o makapangyarihan o katanyag, laging parang may kulang. Ang sabi nga ni San Agustin, “Walang kapahingahan ang aking puso hanggat di ito namamahinga sa Iyo, Panginoon”.
Kaibigan, mayroon ka bang kakulangan sa iyong buhay? Kahit nakuha mo na ang lahat ng gusto mo, parang mayroon pa rin bang kulang sa buhay mo? Tanging ang Panginoon natin ang makapupuno ng anumang kakulangang ating nararamdaman. Ang sabi nga Niya sa kanyang Salita, “Subalit, pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo’y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan”.
(Ang PAN-BUHAY ay isang pakikipagugnayan sa pamamagitan ng panulat tungkol sa ating buhay espirituwal at sa ating Panginoon na tinatawag din nating “Ang Tinapay (Pan) na Nagbibigay-Buhay”)