ANG Diosdado Macapagal International Airport (DMIA) umano ngayon ang lunsaran ng human trafficking activities ng mga illegal recruiter at mga kasabwat nila sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Dito umano sa DMIA umaalis ang maraming overseas Filipino workers (OFWs) na puro ‘REPRO’ ang papeles ng OEC POEA.
Ano po ang ibig sabihin ng reproduction (repro)?!
Ito po ‘yung dokumento na overseas employment clearance (OEC) na ini-issue ng POEA sa mga OFW na magtatrabaho sa abroad na kailangan ipresinta sa Immigration.
Maraming kaso sa DMIA na ang ginagamit ng pasahero paalis ng bansa ay OEC ng POEA ay PEKE dahil hindi pareho o hindi synchronized ang posisyon sa trabaho sa kanyang pinirma-hang kontrata.
Malinaw na ang tawag d’yan ay reproduction!
Pinapalitan lang ang pangalan pero ang posisyon ay iba sa kontratang pinirmahan.
Ayon sa ating mga impormante, maraming suspendidong recruitment agency na nasa opisyal na talaan ng POEA pero mas madalas umano ay kakontsaba ng ilang tulisan sa POEA ang agency at sa Immigration.
Dapat umano ay hindi paalisin ang pasaherong may pekeng OEC hangga’t hindi nako-correct at hindi synchronize ang detalye sa mga dokumento pero dahil may kontsabahan nga, kaya pinalulusot ang ‘tourist worker’ d’yan sa DMIA.
At ang pasimuno ng raket na ito sa DMIA ay isang alias “KABAYO”!
Pakipaliwanag nga Immigration-DMIA Head supervisor Elsie Lucero, kung bakit nakalulusot sa matutulis ‘este matatalas ninyong pang-amoy ang mga ‘yan!?