DESPERADO ANG DIYABLO NA MAPALAYAS SI EDNA SA PAMAMAHAY NINA KARL AT SHANE GAMIT SI FATIMA
“H-hindi po totoo ‘yun…” salag niya.
“Hintayin mo na lang dito si Fatima… Siya ang mag-aabot ng sweldo mo para sa isang kinsenas,” ani Shane, matigas ang tinig at nasa anyo ang pagtitimpi ng galit.
Bigla na lang tinalikuran si Edna ng babaing umampon sa batang lalaki na nasa ituktok ng hagdanan.
Nasulyapan niya si Tony Boy na titig na titig sa kanya. Na parang nagbabaga ang mga mata. At pangisi-ngisi.
Natakpan sa paningin ni Edna ang mala-di-yablong imahe ng batang lalaki nang lapitan siya ni Fatima. Dala na nito ang tseke na inisyu ni Shane bilang kabayaran sa kalahating buwan na pagtu-tutor niya sa batang ampon. Maaliwalas ang mukha ng yaya-kasambahay nang makaharap niya. May ngiti ito sa mga labi.
Pero isang malakas na bugso ng hangin ang biglang nagdaan sa pagitan nila ni Fatima. Nalaglag na kusa sa sahig ang krusipihiyo nito sa dibdib. At unti-unti itong nagbago ng anyo. Naging mabalasik ang dating maamong mukha. Ang dating matamis na ngiti sa mga labi nito ay nahalinhan ng ngising-diyablo. At sa harap mismo niya ay pinagpunit-punit ng yaya ni Tony Boy ang tseke na dapat sanang mapasakanya.
Napatunganga si Edna kay Fatima. At sa panggigilalas niya ay bigla na lamang siyang sinalakay nito. Sinakal siya. Nang mabuwal siya sa sahig ay kumubabaw ito sa dibdib niya. Pilit kinakalag sa kanyang leeg ang nakatali roong panyong puti.
Nagpambuno sila ni Fatima na mistulang isang halimaw na umaatungal. Sa sulok ng kanyang mga mata ay natatanaw niya ang batang ampon. Humahalakhak sa pagkakaupo sa isang baytang ng hagdanan sa loob ng kabahayan. Nababasa niya sa mga pagbubuka ng bibig nito ang pag-uutos sa yaya-kasambahay na naging sunud-sunuran. Hula niya ito ang may gustong maalis sa katawan niya ang panyong puti.
Umalingawngaw sa utak niya ang tinig ni Lolo Primo. Sariwang-sariwa pa sa kanyang gunita ang mga paalala at tagubilin nito noon: “Kapag nasa bingit ka ng matinding panganib ay bigkasin mo ang mga katagang nakasulat d’yan sa panyo…” (Itutuloy)
ni Rey Atalia