ni Alex Brosas
BUMUWELTA si Atty. Ferdie Topacio sa naglabasang issue na nagsisisi na si Aljur Abrenica at willing nang makipag-ayos sa GMA-7.
Nabasa namin sa social media ang maanghang na statement ni Atty. Topacio. Nakakaloka ang mga binitiwan niyang salita laban sa GMA Artist Center. ”Nais po lamang naming linawin ang ilang mga lumalabas na pahayag sa iba’t ibang mga kolum na tila baga lumalabas na nagsisisi na umano ang aking kliyente na si G. ALJUR ABRENICA sa kanyang inihaing demanda laban sa GMA7 hinggil sa kanyang kontrata, at kusang-loob na niyang iuurong ang mga ito.
“Bagamat totoo namang lagi kaming bukas sa makabuluhang pakikipag-usap sa pamunuan ng GMA7—bagay na amin nang sinabi mula’t sapul pa noong araw na dumulog kami sa hukuman—hindi totoong pinagsisisihan na ni Aljur ang ginawa niya,” nakasaad sa statement ni Atty. Topacio.
Tapos, walang takot niyang pinasaringan ang GMAAC and said, ”Ang anggulong ito, sa wari namin, ay kathang-isip na naman ng mga mangmang na elemento sa GMA ARTIST CENTER na nais iligtas ang kanilang sarili sapagkat sila ang dahilan kung bakit nagdemanda si Aljur.
“Ganito rin ang ginawa nila noong nagkaroon ng suliranin sina Bb.Yasmien Kurdi at Bb. Bea Binene, kaya’t lumala ang gulo.
“Dapat nilang malaman na hindi sila nakatutulong sa pamamahala ng GMA7, at ang mga utak-ipis na diskarteng ito ay tiyak na makasasama pa sa kaso nila.”
Hindi ba’t nakakaloka ang binitiwang salita ni Atty. Topacio?
Later, lalo kaming naloka when he called GMAAC people as ”kenkoy”.
“Kami ay laging handang makipag-usap ng maayos sa GMA7 at sa kanilang mga kinatawan, at ano mang pag-urong ng demanda ay gagawin lamang namin matapos ang pag-uusap na ito at sa konteksto ng gagawing mga ‘mediation procedures’ ng hukuman.
“Napapanahon nang kilalanin ng GMA7 ang mga kengkoy sa GMA ARTIST CENTER upang sibakin ang mga ito at maiwasan ang mga kabulastugang maaaring mangyayari pa kapag hindi nagbago ang sistema rito.”