NAABOT ni super grandmaster Wesley So ang asam na makasampa sa Top Ten sa FIDE world ranking bago matapos ang taong 2014 at maaari pa siyang umangat dahil may dalawang buwan pa bago matapos ang nasabing taon.
Subalit bukod sa mapanatili ang kanyang No. 10 ay may pinaghahandaan si So ito ay ang pinakamalakas na tournament na sasalihan niya sapul ng maglaro siya ng chess.
Naimbitahan si 21-year old So na lumahok sa 77th Tata Steel Chess Tournament sa Enero 9 – 25, 2015 na gaganapin sa Wijk aan Zee, The Netherlands.
Makakadikdikan ni So sa unang pagkakataon ang reigning World Champion na si GM Magnus Carlsen ng Norway.
Si Carlsen ang ranked No. 1 sa world na may elo rating na 2863 habang si So ay may live rating na 2762.
Kasali ang Nos. 2 at 4 sa FIDE ranking sina GMs Fabiano Carauna (elo 2827) ng Italy at defending champion Levon Aronian (elo 2797) ng Armenia sa event na may average rating na 2748.
Ayon sa organizer ng event malakas ang nasabing kompetisyon dahil sinalihan ito ng mga chessers na nasa Top 10 kasama rito ang batang si GM Anish Giri (elo 2776) ng Netherlands na okupado ang No. 7.
(ARABELA PRINCESS DAWA)