ni Roldan Castro
KINUHA namin ang reaksiyon ni Luis Manzano sa survey na nasa top 20 na maging possible Senatorial candidate si Ate Vi. Nagpapasalamat siya dahil noong tumakbo si Gov bilang Mayor, hindi ito nag-ambisyon na makakuha ng higher posisyon.
Ngayong Governor na siya ay ‘yun lang ang gusto niyang mangyari. Pero base sa survey na ‘yan, ang tao raw ang may gustong tumakbo siya na hindi naman hinahangad ng Star For All Seasons.
“That means iba ang tiwala sa kanya ng tao at bihira ‘yun sa isang politiko na sila ang may gusto na tumakbo ang mommy ko,” pahayag niya.
Kadalasan kasi ang ibang politicians, Mayor pa lang ‘yan pero ang iniisip ay ang pagiging Senator na, pagiging VP kaya minsan hindi na naaasikaso ‘yung local position nila. Hindi gaya ni Gov. Vi na focus sa nakaatang na posisyon sa kanya.
Si Luis hindi naman isinasara ang pintuan sa pagpasok niya sa politics at maging Mayor ng Batangas. Nakikipag-usap pa siya sa ibang tao at kumukonsulta. May deadline pa raw siya na one month. Susundin din niya ang payo ng kanyang ama na si Edu Manzano na mag-lie low siya sa showbiz ‘pag tumakbo siya dahil pinagkatiwalaan siya ng mga tao sa serbisyo niya. Unfair naman daw na nasa taping siya sa oras na kailangan siya.
Gagayahin din niya si Gov. Vi na mag-aaral siya bago tumakbo sa public office.
Pero sa ngayon busy siya sa kanyang pelikulang Moron 5. 2 The Transformation na showing sa November 5. Magsisimula na rin siya sa The Voice of the Philippines na nagsimula kahapon, Oktubre 26.
Bukod sa reunion ng superstar coaches na sina Apl de Ap, Sarah Geronimo, Bamboo, at Lea Salonga, makakasama rin ni Luis sa Season 2 sina Robi Domingo, Alex Gonzaga, at ang ultimate multimedia star na si Toni Gonzaga.
Naging kakaiba at bago naman daw ang ang experience na ito para kay Luis, na siyang nag-host ng The Voice Kids. Bukod sa pagho-host sa Season 2, dumayo rin si Luis sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas upang personal na iabot ang envelope sa artists para pormal silang imbitahin sa blind auditions.
“Sa ‘The Voice Kids,’ na-witness natin ang innate talent ng Pinoy singers kasi bata pa lang sila may boses na talagang maipagmamalaki. Parang kaguwapuhan ko, bata pa lang, hindi na maikakaila. Joking aside, this season ibang experience naman for me dahil nilibot ko ang Pilipinas at nakita ko ang amazement at tuwa kapag ibinibigay ko na ang envelope. Minsan sinorpresa ko sila at kinamusta bago sila sumalang sa blinds. So I got to know their inspirations and motivations,” pahayag ni Luis.
Sino kaya ang magiging bahagi ng Team Apl, Team Sarah, Team Bamboo, at Team Lea?