INAKUSAHANG nanghalay ang isang police colonel ng isang guest relations officer (GRO) makaraan magsagawa ng raid sa isang club sa lungsod ng Pasay noong Oktubre 23, 2014.
Pinaiimbestigahan ni Southern Police District (SPD) officer-in-charge, Chief Supt. Henry Ranola, Jr., ang insidente kaugnay ng panghahalay sa GRO.
Kinilala ang suspek na si Supt. Erwin Emelo, hepe ng District Special Operation Unit (DSOU) ng SPD.
Habang itinago ang biktima sa pangalang Clarissa, 29, ng Cavite City, nagtratrabaho bilang GRO sa Universe Club and KTV Bar, sa F.B. Harrison St., sa nasabing lungsod.
Sa limang pahinang reklamo ng biktima sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI), dakong 2 p.m. nang mangyari ang panghahalay sa loob ng tanggapan ni Emelo sa SPD headquarters, Fort Bonifacio, Taguig City.
Bago mangyari panghahalahay, ni-raid ng mga operatiba ng DSOU sa pamumuno ni Emelo, ang naturang club noong Oktubre 23 ng madaling araw makaraan makatanggap ng reklamo na ang mga waiter at GRO sa naturang club ay walang kaukulang working permit at nagpapalabas ng bold show.
Inaresto ang 65 katao na nagtratrabaho sa naturang club kabilang ang biktimang si Clarissa.
Sa sinumpaang reklamo ng biktima, sinabi niyang makaraan ang raid agad silang dinala sa tanggapan ng SPD at habang nakaupo sila ay nilapitan siya ni Emelo at hiningi ang kanyang cellphone number.
Makalipas ang ilang minuto,nakatanggap siya ng text message galing kay Emelo at sinabihan siyang doon na lang siya magpahinga sa kwarto na kanyang tinanggihan.
Sinabihan siya ni Emelo na ipasusundo siya at isama ang kanyang kaibigan para may kasama siya at hindi matakot.
Nagtungo siya sa loob ng opisina ni Emelo kasama ang kanyang katrabaho na isa rin GRO.
Pinahiram ang biktima ng t-shirt at short ni Emelo dahil naiirita raw sa kanyang kasuotan ngunit sinabihang huwag nang magsuot ng underwear na ikinainis ng GRO.
“Niyapos niya ako at itinulak ko po siya at pinipilit niya ako sa gusyo niya pero hindi po ako pumapayag at sinabihan niyang hindi niya ako isasama sa inquest nila,” ayon sa salaysay ng biktima.
Ayon pa sa biktima, sinabi niya kay Emelo na
kahit isama siya sa inquest, “At sinabihan niya ako nang pagalit na ‘Ano ba ang gusto mo, tutukan pa kita ng baril para sumunod ka lang sa gusto ko?’”.
“Bigla siyang sumampa sa akin at hinawakan ang dalawang kamay ko at pilit na hinuhubad ang suot na shorts, dahil sa lakas niya ay nahubad niya ang suot kong short at dito na niya ako nahalay. Pinatalikod niya ang kasama ko para hindi niya makita ang ginagawa sa akin,” umiiyak na salaysay ni Clarissa.
Nang malaman ni Chief Supt. Ranola ang insidente, agad sinibak si Emelo bilang hepe ng DSPOU, at ayon sa naturang SPD OIC, bumuo na siya ng team para magsagawa ng malalimang imbestisagyon kaugnay sa naturang akusasyon.
Sa panig ni Emelo, sinabi niyang handa niyang harapin ang imbestigasyon at mariing pinabulaanan ang akusasyon laban sa kanya.
Jaja Garcia