ni Tracy Cabrera
MATAGUMPAY na inihatid ni coach Boyet Fernandez and San Beda Red Lions para
sa ikalimang kampeonato sa prestihiyosong National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament, sa kabila nang pamamaalam sa kanyang mga alaga para bumalik sa Philippine Basketball Association (PBA).
“May kompiyansa ako na kung sinuman ang kanilang magiging coach, tiyak na susungkitin nila ang ikaanim na titulo,” idiniin ni Fernandez matapos kompletohin ang ‘Drive for Five’ ng San Beda sa pamamagitan ng 89-70 victory sa Game 2 ng ika-90 NCCA season kontra Arellano University sa Mall of Asia Arena.
Labis sa pagwagi sa ikalawang titulo simula nang humalili kay coach Ronnie Magsanoc nitong 2013, tinulungan din ni Fernandez ang Red Lions para maging ikalawang team sa kasaysayan ng liga na makakompleto ng limang taon pagwawagi, kasunod sa San Sebastian College-Recoletos na naghari sa NCAA mula 1993 hanggang 1997. Ito rin ang ika-19 na koronang napanalunan ng San Beda, isang bagay na masasabing league record na rin.
Pero hindi na si Fernandez ang aayuda sa Red Lions para sa ikaanim na titulo sa susunod na basketball season, kasabay ng tatlong player na magtatapos—ang sentrong si Kyle Pascual at ang magkapatid na Semerad na sina David at Anthony.
Magbabalik si Fernandez sa PBA makaraan ang apat na taon bilang coach ng NLEX Road Warriors while Pascual (Kia Motors) habang si David Semerad naman ay mapupunta sa Barako Bull at si Finals MVP Anthony Semerad sa GlobalPort Batang Pier para sumubok sa pinakamalaking torneo ng basketball sa bansa.
Bagito man ang NLEX, handa si Fernandez na harapin ang bagong hamon sa professional league. “Mabigat ang hinaharap natin pero tingnan na rin natin kung ano ang mangyayari,” aniya.
Inamin din ng one time PBA champion coach—ng dating Sta. Lucia—na may magagandang alaala siya sa NCAA at laging nasa puso niya ang San Beda. “Mami-miss ko sila. Mabubuting bata sila, mahuhusay na mga player. Dalawang taon kaming magkasama at ano pa ba ang masasabi ko? Mami-miss ko sila nang sobra,” aniya.
”Ito (ang victory) para sa boys. Gusto nila talagang manalo, gustong-gustong makalima at nasa kanila iyon. Trinabaho nila ito. Makikita mo sa kanila kung gaano nila kagusto makamit ito,” dagdag ni Fernandez.
Habang tahimik sa sino ang papalit sa kanya, kombinsido pa rin siya na ang San Beda ay malalagay sa mabubuting kamay sa pagtangkang maka-anim sa Season 91 ng NCAA.
“Magawa nga sana nila. Naniniwala akong kaya nila ito,” pagtatapos ni Fernandez.