“Ke aga-agang magpaputok ng mga damuho!” pagbubusa ng matandang babae. “A-dose pa lang ngayon ang petsa, a!”
Pagkarinig ni Jobert sa petsa ay parang may kumuriring sa kanyang utak.
“D-December twelve po ba ngayon, ‘La?” aniya sa pagbaling sa matandang babae.
“Oo… Labing-tatlong tulog pa bago Pasko,” aniya sa pagtango.
Disyembre 12 ang araw ng pagpapakasal ni Jobert kay Loi. Pero noong isang taon pa iyon. Nalito ang kanyang isipan. Pagsilip niya sa loob ng simbahan ay lalo siyang nagulumihanan. Maringal itong nagagayakan ng mga puting lasong napapalamutian ng mga bulaklak ng rosas. May babae at lalaking nakaluhod sa harap ng altar. At naroroon ang paring nagkakasal sa dalawa.
Tamang hinala ang naghari sa kukote ni Jobert. Sa isip niya, pakakasal si Loi sa ibang lalaki. Namalik-mata tuloy siya. Sa tingin niya ay si Loi ang pagkaganda-gandang bride na makikipag-isang-dibdib sa lalaking nakaluhod din sa tabi nito. Parang sasabog ang dibdib niya sa matinding galit at pagseselos. At umalingawngaw sa paligid ng labas ng simbahan ang pasigaw -pagmumura.
Naghanap siya ng pinakamalapit na tindahan na nagbebenta ng mga paputok. Nakakita naman agad siya sa di-kalayuan. Bumili siya ng “Sinturon ni Hudas” at kwitis. Iba ang naging trip niya sa pag-aalimpuyo ng galit sa kanyang dibdib.
Sinindihan niya ang mitsa ng Sinturon ni Hudas. Inihagis iyon sa pintuan ng simbahan. Sunod-sunod na sumabog ang mga paputok. Nakatutulig iyon. At sumasapaw doon ang matutunog na halakhak ni Jobert nang matanaw niya sa loob ng simbahan ang pagkakagulo sa pagkagulat ng lahat ng naroroon. At sinundan pa niya iyon nang pagsisindi sa tatlong kwitis na sumagitsit at pumutok malapit mismo sa altar.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia