HINDI gaanong naramdaman ang kilos protesta ng ilang transport groups na sinimulan dakong 5 a.m. kahapon sa Metro Manila.
Ilang lugar sa Kamaynilaan, ang may namataang pagkilos na tigil-pasada ay sa ilang bahagi ng Alabang, Muntinlupa, Monumento sa Caloocan; Roxas Boulevard sa Pasay; at Novaliches at Cubao sa Quezon City na nilahukan ng mga grupo ng pampasaherong jeepney, tricycle, UV Express Service at taxi.
Ayon kay PISTON National President George San Mateo, ang malawakang kilos-protesta at tigil-pasada ay pagpapakita ng kanilang pagtutol sa Joint Administrative Order (JAO) ng Department of Transportation and Communications (DoTC), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na nagpapataw nang mas malaking multa sa mga kolorum na sasakyan, at mas mataas na multa sa mga lalabag sa batas trapiko.
Hiling nila na ibasura ang JAO dahil hindi anila ito makatao at hindi ito kayang bayaran ng drivers at operators ng mga pampasaherong sasakyan.
Samantala, ilang grupo ng transport organization ang hindi nakisama sa naturang pagkilos ng PISTON.
Una rito, nagbabala ang LTFRB na mahaharap sa parusa ang mga lalahok sa tigil-pasada.
Jaja Garcia