Friday , December 27 2024

Mga tagong ‘buwaya’ sa Customs

HANGGANG ngayon, may mga nakatagong ‘buwaya’ na patuloy na nakapag-o-operate at yumayaman sa Bureau of Customs (BoC). Sila ang dahilan kaya nakalulusot ang mga ipinupuslit na produkto mula sa bigas, pekeng gamit hanggang sa electronic gadgets at mga kasangkapan.

Kamakailan lang ay nasabat ng mga awtoridad ang mga pekeng signature bags na nagkakahalaga ng mahigit isang bilyong piso sa loob ng isang warehouse sa Binondo, Maynila.

Ang kontrabandong ito ay isa lang sa mga produkto na nakalulusot dahil sa mga tagong buwaya ng BoC na tulad ng isang alyas “Vidal,” na naniningil umano sa mga broker at consignee ng P230,000 sa bawat container upang mailabas ang kargamento nila nang walang problema.

Ayon sa ating source, si Vidal ay sakit ng ulo ng mga broker dahil kung hindi sila papayag sa presyong P230,000 na singil ay pag-iinitan ang kanilang kargamento. Malamang ay hindi na raw nila mailabas dahil ginagamit ni Vidal ang pangalan ng isang mataas na opisyal ng BoC.

***

Nauna rito ay sinamsam ng mga operatiba ng Customs ang ilang puslit na kargamento na nagkakahalaga nang kukulangin sa P1 milyon.

Kabilang dito ang 342 kahon ng “ukay-ukay” na binubuo ng mga segunda-manong damit, sapatos, laruan at gamit sa opisina na tulad ng calculators na idineklara bilang “door window frames,” at dalawang 40-foot container vans na naglalaman ng bawang na pawang walang kaukulang papeles.

Nakahuli rin ang Customs ng mahigit 30 container vans ng ipinuslit na kargamento na naglalaman ng iba-ibang produkto tulad ng bigas, bawang, telebisyon, parte ng computer, at “chop-chop” na sasakyan na nagkakahalaga ng P40 milyon sa Misamis Oriental. Nakatakdang kasuhan ang mga negosyanteng nasa likod ng pag-aangkat ng mga kontrabando.

***

Kinasuhan ng smuggling ng BoC ang mga kinatawan ng Silent Royalty Marketing na nasa likod ng pag-aangkat ng bigas na nagkakahalaga ng P648 milyon sa merkado nang walang kaukulang permiso.

Ang bigas na nagmula sa Thailand at Vietnam ay idinaan nila sa mga daungan ng Maynila at Cebu mula Setyembre hanggang Nobyembre 2013.

Kinasuhan din ng Customs ang Bold Bidder sa ilegal na pag-aangkat ng bigas na nagkakahalaga ng P512 milyon sa merkado. Ang ilang broker na sangkot sa smuggling tulad ng naglilingkod sa Bold Bidder ay natuklasan sa pagsisiyasat ng Senado na konektado sa sinasabing big-time rice smuggler na si David Bangayan.

***

Ayon kay BoC Commissioner John Sevilla, pinaigting nila ang kampanya laban sa smuggling, at makikita naman ito sa mga kargamento at kontrabando na kanilang pinaghuhuli.

Pero dapat siguro ay lumingon-lingon siya sa kanyang paligid at kilalanin nang husto ang mga tauhan niya. Ang problema ay nag-uugat sa loob ng Customs. Hindi makalulusot ang mga puslit na kargamento kung walang buwaya na nagpahintulot nito, kapalit ng malaking halaga. Sila ang dapat sibakin at baka pati pangalan ni Sevilla ay ginagamit nila sa kanilang raket.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

Robert Roque Jr.                                                 

About hataw tabloid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *