Kinalap ni Tracy Cabrera
HANGGANG may mga sikat, patuloy ang mga kuwento ng kanilang luho at sinasabing extravagant life style. Dangan nga lang ang karamihan sa mga kuwentong ito ay mga urban legend lamang, ngunit mayroon din namang totoo.
Narito ang ilan sa mga luho ng mga sikat na maaaring hindi n’yo alam pero ngayo’y kamamanghaan . . .
US$2 milyong humidifier ni Celine Dion
Noong 2000, pumasok ang singer na si Celine Dion sa tatlong-taon US$100-million deal sa Caesars Palace sa Las Vegas para magtanghal nang eksklusibo. Para sa nasabing mga pagtatanghal, partikular na ipinatayo ang isang pasilidad sa halagang US$95 milyon.
Isa sa dahilan ng napakalaking halaga ang US$2 milyong aparato na binansagan ng Las Vegas Sun na ‘misting sprayer’ na ibibitin sa ibabaw ng ulo ng sikat na mang-aawit habang siya ay nagpe-perform. Sa tunay, may praktikal na gamit at dahilan ito, dahil ipinipreserba nito ang singing voice ni Celine sa malupit na klima ng disyerto. “Isipin n’yo na lang na ito ay isang humidifier na nagkakahalaga ng US$2 milyon,” sinabi sa pahayagan.
US$100-milyong private jet ni Donald Trump
Gustong-gusto ng real estate magnate na si Donald Trump na makita o mabasa ang kanyang pangalan sa lahat ng kanyang ari-arian, gaya rin sa kanyang mga gusali, golf course at casino. Gayon din naman sa US$100-milyong private jet na nakalagay ang huling pangalan ng sikat na mogul sa fuselage nito na ginamitan ng gintong pintura.
Ayon sa New York Post, ang biniling Boeing 757 ni Donald mula kay Paul Allen na may kapasidad na 43 pasahero, ay mayroong mga gintong gripo ng tubig, suede ceilings at isang private bedroom, na kompleto sa 52-inch flat screen TV.
(Sundan bukas . . . Luho nina Nicolas Cage at Posh Spice)